POSIBLENG mahirapan umanong bumangon ang ekonomiya ng bansa kapag natapos na ang problema sa coronavirus disease 2019 kung aalisan ng budget ang mga infrastructure projects ng gobyerno.
Ayon kay Marikina City Rep. Stella Quimbo tama si House Speaker Alan Peter Cayetano na kailangan ang mga infrastructure projects sa ekonomiya kaya dapat ay irekonsidera ng Department of Budget and Management ang nais nitong gawin upang makakuha ng pondo na gagamitin sa paglaban sa COVID-19.
“Given its multiplier effects, a conservative estimate would show that a P100 billion loss in the infrastructure budget would translate into a corresponding drop in GDP valued at P300 billion,” ani Quimbo, co-chair ng economic cluster ng Defeat COVID-19 Committee ng Kamara de Representantes.
Bukod sa pagbaba sa Gross Domestic Product ng bansa ang pagbawas sa infrastructure fund ay magreresulta rin umano sa pagtanggal ng may 1 milyong empleyado.
“If workers are paid P500 per day for 22 days per month for a period of 6 months, then total wages would amount to P66,000 per worker. Hence, a loss of P111 billion in wages for every P100 billion cut in infrastructure spending would mean 1.68 million workers losing their jobs,” dagdag pa ni Quimbo.
Ayon sa National Budget Circular No. 580, the DBM, 35 porsyento ng programmed appropriations sa ilalim ng 2020 national budget ay hindi na popondohan simula Abril 1.
Kinuwestyon ni Cayetano ang hakbang na ito dahil magreresulta umano ito sa paghinto ng “Build, Build, Build” program ng Duterte government.
Kahit na umano si Finance Sec. Carlos Dominguez ay naniniwala na kailangan ang infrastructure spending upang mapabilis ang paggulong ng ekonomiya at paglikha ng trabaho.
Sa pagdinig ng economic cluster ng Defeat COVID-19 Committee noong nakaraang linggo ay sinabi ni Dominguez na dapat matuloy ang mga Build, Build, Build projects ng administrasyon.
Si Quimbo ang isa sa may akda ng panukalang Philippine economic Stimulus Act upang matulungang makabangon ang mga maliliit na negosyo at maiwasan ang pagkatanggal sa trabaho ng maraming empleyado.
“A fiscal stimulus package is needed to help businesses avoid losses, keep businesses as going concerns, and avoid worker layoffs. Business confidence needs to be restored: a vibrant business community is needed to keep employment levels high, so that levels of economic growth as targeted are achieved and, more importantly, are inclusive,” ani Quimbo.
Sa halip na bawasan, ipinanukala sa PESA na dagdagan ng P650 bilyon ang pondo ng Build, Build, Build projects upang magawa na rin ang mga proyekto sa ilalim ng universal health care, edukasyon at food security.