MAAARI umanong nagkaroon ng paglabag sa regulasyon ng kunin ang bag ng pinaslang na si retired Army Cpl. Winston Ragos sa crime scene.
Sa bag umano ni Ragos nakatago ang isang kalibre .38 revolver na kanyang bubunutin kaya binaril siya ni Police Master Sergeant Daniel Florendo Jr. sa quarantine control point sa Brgy. Pasong Putik, Quezon City noong Martes.
Ayon kay ACT-CIS Rep. Jocelyn Tulfo mayroong naka-fatigue na kawani ng Philippine National Police na kumuha sa bag.
“Hindi rin tinupad ang mga regulasyon sa preservation ng crime scene dahil dinampot ng isa sa mga unipormadong naka-fatigue na kawani ng PNP ang bag ng biktima. Ayon sa mga regulasyon sa crime scene preservation, wala dapat hinawakan o ginalaw na kahit anong bagay sa crime scene matapos ang isang krimen,” ani Tulfo sa isang pahayag.
Sinabi ni Tulfo na dapat madaliin ang imbestigasyon at hindi ito dapat lumagpas ng 30 araw.
Hiniling na ng Philippine Army ang tulong ng National Bureau of Investigation upang magsagawa ng patas na imbestigasyon.
“Hindi naging katanggap-tanggap ang komento ng matataas na opisyal ng PNP sa insidente. Premature ang ginawa ng mga opisyal ng PNP. Defensive agad kahit hindi pa kumpleto ang impormasyon?”