UMABOT na sa 1,542 swab test ang naisagawa sa Quezon City hanggang kahapon.
Noong Biyernes ay 116 coronavirus disease 2019 test ang naisagawa sa mga community test center ng lungsod.
Nagsimula ito noong Abril 13. Target ng lungsod na matukoy ang mga taong nahawa ng sakit upang hindi na ito kumalat.
Noong Abril 18 ay nakipagkasundo ang Quezon City government sa St. Luke’s Medical Center-Quezon City upang suriin ang mga swab test. Hindi bababa sa 50 specimen ang kanilang susuriin araw-araw at lalabas ang resulta sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw.
Nakikipag-usap ang lungsod sa iba pang ospital na maaaring magsagawa ng pagsusuri sa mga sample upang matukoy kung positibo ang mga ito sa COVID-19.
Kagabi ay 1,104 na ang nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod. Nasa 106 na ang namatay at 133 ang gumaling.