2 nasawi sa Navotas nagpositibo sa COVID-19

COVID-19

POSITIBO sa coronavirus disease 2019 ang dalawang residente na pumanaw kamakailan sa Navotas City.

Ayon kay Mayor Toby Tiangco lumabas ang resulta ng COVID-19 test kahapon. Ang dalawa ay residente ng Brgy. NBBN.

Ang isa sa mga nasawi ay wala umanong sipon, ubo o lagnat subalit nahirapang huminga noong Abril 15. Dinala siya sa Navotas City Hospital. Sumuka umano ito ng dugo at hindi nagtagal ay binawian ng buhay.

Ang isa naman ay may liver cirrhosis, tuberculosis at hypertension. Pumunta ito sa health center para magpa-check up noong Marso 25 matapos na magkitaan ng bahid ng dugo ang kanyang dumi.

Binigyan ito ng gamot at pinauwi ng Tondo Medical Center. Siya ay pumanaw noong Abril 16.

“Kapwa pasyente ay itinuring na PUI at kinuhanan ng throat swab bago ipa-cremate. Agaran ang cremation dahil kailangan ito para hindi makahawa ng virus.”

Paalala ni Tiangco agad na pumunta sa doktor kapag may naranasang sintomas ng COVID-19.

“Wag nang hintayin na lumala ang inyong kondisyon. Kapag maaga kayong magpapacheck up, mabibigyan agad ng lunas ang inyong karamdaman at mas madali kayong gumaling. Kapag malala na mas mahirap na ang gamutan,” saad ng alkalde. “Masakit po mawalan ng mahal sa buhay kaya hanggang maaari, gusto nating ligtas sila sa anumang kapahamakan. Ang pananatili sa bahay ay isang paraan para maproteksyunan ang ating pamilya laban sa #COVID19PH. Sumunod po tayo sa quarantine. Bahay muna, buhay muna.”

Read more...