MAGBUBUKAS ang sesyon ng Kongreso sa Mayo 4 sa ilalim ng new normal.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano maaaring gawin nila ang online session na ginawa nila noong Marso 23 nang ipasa ang Bayanihan to Heal As One Act.
“Totoo po na may risk, totoo po na may danger pero ang katotohanan kailangan makita ng tao na may gobyerno na yung gobyerno nagtatrabaho para sa kanila. So we will take all the precautions,” ani Cayetano.
Posibleng ipagpatuloy din umano ang pagsasagawa ng online committee hearing gaya ng ginagawa ng Defeat COVID-19 Committee nang pag-usapan ang economic relief package na magagamit ng gobyerno upang matulungan ang mga naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine.
“So yung teleconferencing, yung Zoom at other applications are pwede nating gamitin. Ang kaibahan lang naman sa DCC ay naka-focus, yung cluster heads lang nagtatanong. But we will authorizing, actually they are authorized to have committee hearing and in the committee hearing kaya naman nung Zoom ng 50, 100 or I think a couple hundred na participant….”
Ang maganda umano sa online hearing ay maaaring agad na makapagbigay ng feedback ang publiko. “So kung halimbawa sinabi nung isang bisita, sir sa Metro Manila lahat nakakuha na ng social amelioration, instantly sa Facebook magpo-post yun, sir kami wala pa, sir dito pinili lang, sir ganyan.”
Sinabi naman ni House Majority Leader Martin Romualdez na binubuo na ang plano para sa pagsasagawa ng sesyon matapos palawigin ni Pangulong Duterte ang Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila hanggang sa Mayo 15.
“We are committed to perform our mandate, especially with the swift passage of the economic stimulus package measure, possibly by holding an online session,” ani Romualdez.