TINIYAK ng Palasyo ang patas na imbestigasyon kaugnay ng pagkamatay ng isang retiradong sundalo matapos na barilin ng isang pulis na nagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Quezon City.
“Nakikiramay po kami sa pgkamatay ng retiradong militar sa insidente ito. Siyempre po malungkot dahil nagsilbi rin siya sa bayan,” sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Nasawi si dating Pfc. Winston Ragos matapos na barilin ni MSgt. Daniel Florendo.
“Nangako naman ang Presidente na magkakaroon ng patas na imbestigasyon dito dahil taong gobyerno rin ang biktima ay sundalo rin. Makakaasa po kayo sa patas at mabilis na imbestigasyon.
Kasabay nito, kinontra ni Roque ang pananaw ng mga kritiko na base ang ginawa ng pulis sa naunang direktiba ni Pangulong Duterte na barilin ang mga lalabag sa ECQ.
“Ang preliminary report nagkaraoon ng sigawan sa panig ng nasawi at nagkaroon ng interpretasyon yung pulis nang tumalikod ay bubunot ng baril pero preliminary pa lamang,” ayon pa kay Roque.