“SAPILITAN” palang pinag-audition si Jennylyn Mercado sa StarStruck ng kanyang late adoptive mother na si Mommy Lydia.
Ito ang inamin ng Kapuso Ultimate Star sa panayam ng GMA 7 na nagsabing wala talaga siyang planong mag-artista noon at sumali sa StarStruck o kahit saang artista search.
“Accident kasi ‘yung audition ko e. May nakakita sa akin sa salon, inabutan ako ng card so tinanggap ko pero parang sabi ko, hindi ko kayang umarte kasi iba ‘yung buhay ko saka mahiyain ako.
“Kanta lang tapos nag-aaral lang ako ganoon. Parang hindi ko kayang umarte, hindi ko kayang sumayaw, mag-host. Sinabi ko yun sa nanay ko, nagalit sa akin.
“Sabi n’ya, ‘Ano ka ba? Bakit mo pinapalampas ‘yang ganu’ng mga opportunity?’ Parang sapilitan na dinala n’ya ako sa GMA para mag-audition,” pahayag ng Descendants of the Sun lead actress.
Nu’ng mismong araw ng audition ay gusto na niyang mag-back out, “Lima lang kami o anim, umiiyak na ako kasi sabi ko, ‘Ma, ayoko talaga ‘to. Sabi n’ya, ‘gawin mo ‘tong audition,’ hanggang sa nakapasok na nga ako sa StarStruck.“
Si Jen ang itinanghal na first Ultimate Female Survivor sa StarStruck at hanggang ngayon ay buhay na buhay pa rin ang kanyang career.
Pero ayon sa girlfriend ni Kapuso Drama King Dennis Trillo, hindi rin naging madali sa kanya ang buhay-showbiz lalo na noong nabuntis na siya ni Patrick Garcia.
“Pinakamahirap na part ay noong nabuntis ako. Ayokong iwan ang showbiz pero ‘yung fear na baka wala nang tumanggap sa akin after giving birth (nandoon).
“Baka hindi na nila ko matanggap kasi may anak na qko. Hindi ko alam kung magkakaroon pa ko ng chance makabalik,” aniya pa.
Pero after manganak, nakabalik pa rin si Jen at nagsunud-sunod pa nga ang naging projects niya, “Hindi ko naman masasabi na sanay akong mag-handle ng mga problema.
“Sa dami ng mga pinagdaanan ko, parang ‘di ko na s’ya masyadong iniinda. Parang mas nag-fo-focus ako sa solution kesa sa problem,” sabi pa ng leading lady ni Dingdong Dantes sa DOTS PH.