29 kapitan pinagpapaliwanag sa hindi maayos na pagpapatupad ng ECQ

Lockdown

NAGPALABAS na show cause order ang Department of Interior and Local Government sa 29 na kapitan ng barangay sa Metro Manila na nabigo upang ipatupad ng maayos ang Enhanced Community Quarantine.

Ang mga pinadalhan ng show cause order ay ang Barangay 11, 12, 20, 154, 220, 350, at 212 sa Manila; Barangay Bagong Silangan, 178, 12, 176, 37, at 129 sa Caloocan; Barangay Libis, Pasong Putik, Pasong Tamo, San Bartolome, Batasan Hills, Payatas, Fairview, Novaliches Proper, at San Antonio sa Quezon City; Barangay Moonwalk sa Parañaque; Barangay Pio Del Pilar at Bangkal sa Makati; Barangay Almanza 2 sa Las Piñas; Barangay Tonsuya sa Malabon; Barangay Addition Hills sa Mandaluyong at Barangay Alabang sa Muntinlupa.

Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año may mga natanggap na reklamo ang ahensya kaugnay ng hindi umano pagpapatupad ng physical distancing at pagpapatuloy ng mass gathering sa nasasakupan ng mga kapitan na pinagpapaliwanag.

“Dumating na tayo sa ganitong punto sapagkat hindi maayos na binabantayan ng ilang punong barangay ang kanilang nasasakupan. Hindi puwedeng maging kampante sa Covid-19 lalo’t ‘di pa alam ang lunas nito. Marami na ang nasawi kabilang na ang ilang doktor at health workers,” ani Año.

Binigyan ang mga kapitan ng 48 oras mula sa pagtanggap sa order upang magpaliwanag.

“Maging sino man ay gusto nang makabalik sa normal na pamumuhay. Para magawa ito ay kailangan maging disiplinado ang bawat isa, bawat pamilya, bawat lokal na pamahalaan mula sa barangay para maayos na maipatupad ang ECQ nang hindi kumalat ang virus,” he said.

Sinabi ni DILG Spokesperson at Undersecretary Jonathan Malaya na mahalaga ang papel ng barangay kapitan sa paglaban sa COVID-19.

“Kayong mga nasa barangay ang mas nakakaalam at nakakakita ng situwasyon sa komunidad. Kayo ang mga kamay at paa ng gobyerno. Kaya kritikal ang papel ninyo sa pagbabantay kung nasusunod ba ng maayos ang ECQ at kung ano ang mga pangangailangan ng taumbayan,” ani Malaya.

Read more...