NAGING guest ng Philippine Daily Inquirer, sister publication ng Bandera, sa regular nitong round table interview, ang kontrobersyal na si Janet Lim Napoles, ang itinuturong ulo sa P10-bilyon pork barrel scam.
Ang siste, bagamat ganap na 9 p.m. ang napag-usapang iskedyul, at nandon na ang lahat ng mga reporters, editors at mga columnist ng PDI at mga sister companies nito, para makiusisa kay Napoles, ay walang dumarating na “guest”.
Halos lahat ay napapaisip tuloy kung sisipot nga ba ang ale o mang-i-indiyan. Pagkatapos nang mahigit isang oras na pag-aantay, dumating naman ito at ang naging alibi ay akala niya ay 10:30 p.m. ang interview.
Hmmm…
At sa kanyang pagdating, sinabi niya na wala siyang kasamang abogado na tutulong sa kanya sa pagsagot sa interview at nais niya lang na personal na pakiusapan ang mga editor na itigil ang pagsusulat ng mga balita tungkol sa kontrobersyang kanyang kinasasangkutan.
Sa maikling salita, hindi siya sasagot ng mga tanong.
Naloka naman ang mga nag-aantay. Inihayag din niya ang kanyang sama ng loob sa PDI dahil di daw nito kinukuha ang kanyang side.
Susmaryosep! Ano pa ba naman ‘yung ibinigay na nga sa iyo na lahat ng oportunidad para ilahad ang iyong side tapos ngangawa ka na hindi ito naging patas?
Bagamat sinabi ng mga editor na ito na ang pagkakataon niya na ipagtanggol ang kanyang sarili, hindi pa rin sumagot ang ale.
Sa ilang tanong na pinili niyang sagutin, wala itong kakurap-kurap na idinenay ang mga alegasyon sa kanya. May himig pagyayabang din kung minsan.
Matapos ang 45 minutong pagharap sa media, puro katanungan pa rin ang iniwan ng kontrobersiyal na personalidad. Ang isang katanungan dito ay sino kaya ang kanyang padrino at napakalakas ng kanyang loob? Abangan na lang natin ang susunod na mangyayari.
BAKIT hindi ang Malacañang ang nagpa-presscon na inaprubahan ni Pangulong Aquino ang pagsasampa ng kasong homicide laban sa walong miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) na nakapatay sa Taiwanese fisherman noong Mayo habang sakay Taiwanese vessel sa teritoryo ng Pilipinas?
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima suportado ni PNoy ang rekomendasyon ng NBI na pagsasampa ng kaso laban saw along PCG. At sinabi rin niya na wala siyang duda sa naging imbestigasyon ng NBI.
Sinadya ng Palasyo na hindi na manggaling sa kanila ang anunsyo at baka makaapekto raw ito sa morale ng PCG, na tinutupad lang daw ang tungkulin na bantayan ang teritoryo ng bansa.
Malaki ang ikinunsidera ng gobyerno sa desisyon nito: ang kapalaran ng mga Overseas Filipino Workers na nasa Taiwan at maging ang nais magtrabaho roon. Kung wala ang patuloy na pagbabanta ng Taiwan at ang ban laban sa mga OFWs tiyak na hindi ito ang magiging desisyon ng gobyerno.
Ang kakatwa rito, magiging tagausig ang mga prosecutor mula sa DOJ, samantalang pagkakalooban ng legal assistance ng PCG ang walong miyembro nito sa pagdinig ng kaso dahil nangyari ito sa pagtupad sa kanilang tungkulin.
Noong una pa lamang inaasahan na ang magiging resulta ng imbestigasyon ng NBI, kahit iginigiit ng Palasyo na naging patas ito. Noong una ay todo depensa pa ang Malacañang sa PCG at kesyo ginagawa lang nito ang tungkulin na bantayan ang teritoryo ng Pilipinas.
Ngunit nang magalit ang Taiwan, tila lumambot na ang Palasyo, mula sa pag-uutos sa NBI na imbestigahan ito hanggang sa pagsasampa ng kaso at ang paghingi ng paumanhin sa pagkamatay ng Taiwanese fisherman.
Kunwari pa sa una, ‘yun pala pinatagal at pinalamig lang ang isyu dahil sa dakong huli Taiwan pa rin ang nasunod sa gusto nito.
Hindi na nakakapagtaka kung bumaba man ang morale ng PCG. Hindi masamang parusahan ang maysala, ngunit sa mata ng mga Pilipino, ito ay pagyukod sa kapritso ng Taiwan. Ang masama pa nito, nagsimulang maging agresibo ang mga Taiwanese fishing vessels sa pagpasok sa teritoryo ng bansa. Sa Batanes lamang, inirereklamo na ng mga lokal na mangingisda roon ang pagpasok ng mga Taiwanese vessel.
Ngayon, paano na magiging agresibo ang PCG sa pagbabantay sa teritoryo ng bansa kung wala naman itong morale support na galing sa gobyerno? Nakakalungkot.
Editor: May komento o tanong ba kayo sa artikulong ito? I-text ang inyong pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.