#KinilabutanAko: Marian, Nadine, Jericho, Jodi nag-ala Ate Guy sa ‘Gabi Ng Himala’

“WALANG himala! Ang himala ay nasa puso ng tao! Nasa puso nating lahat. Tayo ang gumagawa ng himala! Tayo ang gumagawa ng mga sumpa at ng mga Diyos!”

Siguradong alam na alam n’yo na kung saang pelikula nanggaling ang linyang yan na pinasikat ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor — tama kayo, sa award-winning classic film na “Himala”.

Kagabi, binigyan ng nakakikilabot na tribute ng Kapuso at Kapamilya stars ang nasabing iconic film para makalikom ng donasyon para sa mga film workers sa bansa na nawalan ng kita dulot ng  coronavirus pandemic.

Tinawag na “Gabi ng Himala: Mga Awit at Kuwento”, nagsama-sama sa almost three hours na online program ang naglalakihang artista sa telebisyon at pelikula sa pangunguna ni Ate Guy at ng iba pang personalidad na involved sa production ng “Himala” kabilang na sina Joel Lamangan at Charo Santos.

Ang “Himala” ay ipinalabas noong 1982 na idinirek ni Ishmael Bernal mula sa panulat ni Ricky Lee. Napapanahon ang tema ng pelikula dahil tumatalakay ito sa pagkalat ng epidemya sa isang probinsya at dahil desperado na sa kanilang kundisyon, naniwala sila sa himalang dala ni Elsa (Nora).

Sa “Gabi ng Himala: Mga Awit at Kuwento” na napanood sa Facebook at YouTube, kanya-kanyang version ng ilang iconic scenes ni Ate Guy sa movie ang napanood ng publiko.

Hinangaan at pinuri ng netizens ang “Walang himala…”  monologue nina Marian Rivera, Jericho Rosales, Nadine Lustre at Iyah Mina. 

Bukod dito, may mga eksena rin sina Tom Rodriguez, Ricky Davao, Jodi Sta. Maria, Piolo Pascual, Maja Salvador at Angelica Panganiban na emote na emote rin sa mga napili nilang eksena sa pelikula.

Lumabas din sa bandang ending ng fundraiser si John Lloyd Cruz kasama sina Agot Isidro, Shaina Magdayao at Raymond Bagatsing para sa short film ni Lav Diaz titled “Himala: Isang Dayalektika ng Ating Panahon” na naglalantad ng mga reaksyon ng mga tao sa “Walang himala…” ni Elsa.

Hosted by Ryan Agoncillo and Bianca Gonzalez, kinanta rin ni Aicelle Santos sa programa ang “Walang Himala” mula sa stage musicale version nito habang kinanta naman ni Lea Salonga ang “Gawin Mo Akong Sining.”

Ang “Gabi ng Himala” ay mula sa ABS-CBN Film Restoration, Lockdown Cinema Club at Ricky Lee Scriptwriting Workshop.

Read more...