Walang kaligtasan ang whistle-blower; “Kamag-anak Inc. lilitaw uli?; atbp.

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

KAPAG ikaw ay whistle-blower o taong nagbulgar ng kabulukan sa gobyerno huwag kang umasa ng proteksyon sa gobyerno.
Lalong huwag mong asahan na ligtas ang iyong buhay kapag ang mga ibinulgar mo ay mga taong makapangyarihan.
Tinambangan at napatay si whistle-blower Wilfredo “Boy” Mayor noong Linggo ng madaling araw.
Ibinulgar ni Mayor ang pagkakasangkot ni First Gentleman Mike Arroyo sa jueteng payoff mga ilang taon na ang nakararaan.
Nang makipagkita siya at si Sandra Cam sa inyong lingkod noong Biyernes, dalawang araw bago nangyari ang pananambang, alalang-alala si Boy sa kanyang kaligtasan.
* * *
Ang pakikipagkita nina Boy at Sandra sa akin noong Biyernes ay hindi tungkol sa jueteng kundi sa dayaan sa bidding para sa mga road projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Si Boy ay nag-iba na ng pagkakakitaan. Hindi na siya jueteng financier; public works contractor na siya.
May mga sinabi siya sa inyong lingkod na mga pangalan, pero wala naman siyang ipinakitang mga ebidensiya.
Sinabi ko sa kanya na di ko maisusulat ang lahat ng kanyang mga ibinunyag sa akin dahil wala akong pinanghahawakang ebidensiya.
Ayaw kong mademanda ng libel, sabi ko kina Mayor at Sandra.
Bago kami naghiwalay sinabi nina Boy at Sandra na natatakot sila sa kanilang kaligtasan.
Ngayon ko na-realize na may basehan ang kanilang pagkabahala.
* * *
Ito namang si Sandra Cam ay masyadong madaldal.
Nang siya’y ma-interview sa radyo kahapon, binanggit niya na ako ang huling journalist na nakausap ni Boy bago ito napatay.
Inilagay ni Sandra ang aking buhay sa panganib.
Hindi sa natatakot ang inyong lingkod dahil matagal na akong takot, pero dapat ay pinoprotektahan niya ang mga taong nilalapitan niya upang humingi ng tulong.
Sa susunod, wala na siyang malalapitan na tutulong sa kanya.
Alam ni Sandra ang kanyang pinasukan. Bakit siya ngayon umaangal na mapanganib ang kanyang buhay?
Harapin niya ang katotohanan na ang makakatulong sa kanyang sarili ay siya lamang at wala nang iba.
* * *
Dapat hindi naglalabas sina Boy at Sandra dahil sa kanilang kalagayan.
When your life is under threat you should make yourself scarce, sabi nga sa English.
Galing si Boy sa casino nang siya’y tambangan.
Alam naman niya na nanganganib ang kanyang buhay, bakit siya lumabas ng gabi at sa isang lugar na madali siyang matunton?
Nasundan ng mga salarin ang kanyang mga kilos dahil alam nila kung saan siya pumupunta sa takdang oras.
* * *
Hindi raw makikialam ang kanyang mga kamag-anak kapag naging Pangulo si Noynoy Aquino, sabi ng kanyang kapatid na si Pinky Aquino-Abellada.
Sana nga, dahil noong panahon ng kanyang yumaong ina na si dating Pangulong Cory, nakialam ang kanyang mga kamag-anak sa pagpapatakbo ni Tita Cory ng gobyerno.
Kaya nga lumitaw ang bansag na “Kamag-anak Inc” noong administrasyon ni Tita Cory.
Ang bansag ay galing kay columnist Louie Beltran na sumakabilang-buhay na.
Alam ni Louie ang mga kamag-anak ni Tita Cory na bumubulong sa kanya at kanya namang pinakikinggan.
Kapag gustong magkapuwesto ang isang tao sa Cory administration, ang nilalapitan ay isa sa kanyang mga kapatid.
Kapag ang isang korporasyon ay na-sequester dahil sa hinalang may shares of stocks ang pinatalsik na diktador na si Marcos, nilalapitan ng may-ari ng korporasyon ang nasabing kapatid ni Cory upang alisin ang sequestration order.
Paano malalaman ng mga botante na hindi lilitaw uli ang “Kamag-anak Inc.?” kapag si Noynoy ay naging Pangulo?

BANDERA, 030210

Read more...