ISINAILALIM ni Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang buong distrito ng Sampaloc sa isang ‘hard lockdown’ sa loob ng 48 oras matapos ang nakakaalarmang pagtaas ng kaso ng mga taong nag-positibo sa coronavirus disease.
Ito ang inanunsyo ng alkalde kaninang alas-2 ng hapon sa isang virtual press conference.
Noong April 19, nakapagtala ng 98 na kataong nag-positibo sa COVID-19 habang 158 naman ang nasa ilalim ng ‘suspected’ na klasipikasyon.
Ang ‘hard lockdown’ ay para magbigay daan sa disease surveillance, verification or testing at rapid risk assesment bilang pagresponde sa pagtaas ng kaso ng may COVID-19 sa Maynila.
Exempted naman sa ‘hard lockdown’ ang mga sumusunod:
- Health workers na nakatira sa lungsod katulad ng mga doktor, nars, hospital and clinical aides, laboratory and dialysis technicians
- Officers at miyembro ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, at mga government workers na nagbibigay ng emergency frontline services, border control at iba pang kritikal na serbisyo
- Mga nagtratrabaho sa pharmacies, drugstores, at mga death care establishments.
- Mga barangay officials
- Mga media na accredited ng Presidential Communications Operations Office at ng Inter-Agency Task Force.
Ang hindi kasama sa mga nabanggit ay pagbabawalan na mag-operate. Lahat din ng residente ay pagbabawalang lumabas sa kahit anong dahilan na hindi kasama sa exemption.
Inabisuhan din ang PNP na magpakalat ng kanilang mga tauhan para tumulong sa pag-implement ng ‘hard lockdown’.
Ang ‘hard lockdown’ ay tatagal mula April 23 hanggang 25 simula alas-8 ng gabi sa Huwebes.