KUNG ito ay basketbol, halftime pa lang ang laban ng Gumaca, Quezon na kung saan ako ay isinilang mahigit limang dekada na ang nakararaan.
Mabigat at maduming maglaro ang koponan ng Covid-19 at sa jumpball pa lang ay aminado ang tropang Gumaqueno na hindi madali ang laban. Ito ang basketbol na ang magwawagi ay ang koponan na hindi papayagang makapuntos ang kalaban.
Sabi nga, kailangang sa final buzzer ay “zero” ang Covid-19.
Bagamat nananalaytay sa ugat ng mga Gumaqueno ang dugong nagmula sa lahi ni Lakan Bugtali na pumaslang sa piratang si Limahong, iba ang hinaharap ng aking minamahal na bayan na ayon sa mga matatanda at nasulat ay tinatawag na “Bumaka” o lumaban noong unang panahon.
Hindi nakikita ngunit mararamdaman na lang ang epekto ng kalaban. Sakit sa ulo rin kung paano mo dedepensahan ang Covid-19, sapagkat hindi mo ito puwedeng hawakan o lapitan.
Walang man-to-man, walang zone defense.
Hindi rin uubra ang full-court, half-court press at kung ano-ano pang mga taktika sa basketbol.
Ngunit wala sa bokabularyo ng mga Gumaqueno ang sumuko at ito ay masasalamin matapos ang halftime ng sagupaan. Hindi kasi makawala ng husto ang “invincible enemy” na Covid-19.
Palaban ang Gumaca at ito ay dahil na rin sa kumpas ng tinaguriang Kuya ng Bayan na si Webster Letargo kasama ang iba pang mga opisyal ng bayan.
Bagong upo pa lang bilang Punong Bayan si Letargo na nagmula sa mga angkan ng mga nagseserbisyo-publiko ngunit sinusubukan ng Covid-19 ang kanyang kakayahan at katatagan kung paano depensahan ang peste. Malinaw na sa mga ganitong krisis lumilitaw ang tunay na karakter ng isang lider at sa aking pagtatanong, hindi binibigo ni Kuya Webster ang kanyang mga kababayan.
Sa gitna ng lumalalang krisis, ito ay nakakagaan ng loob.
Ito ay opensa na nagmumula sa epektibong depensa, hindi ba Coach Ruel Caparros ng Gumaca Morning Basketball Club ( Sa pangalan pa lang alam na na maagang gumigising ang mga nagdridribol sa klub na ito, nyahahaha),
Ang maganda nito ay umaapaw sa enerhiya ang Kuya ng Gumaca dahil sa kanyang kabataan at natitiyak kong kahit pa mag-overtime ay may kalalagyan ang Covid-19. Walang kapaguran si Kuya Webster at ito ay magandang ehemplo sa mga nasa serbisyo publiko.
Ngunit hindi magiging maganda ang laban ng Gumaca kung walang teamwork, Sabi nga ay walang `I’ sa salitang teamwork at masasabing nagkakaisa ang Sanguniang Bayan, kaya naman nagiging makinis ang pasahan ng bola sapagkat handang tumulong at makiisa sa Kuya ang dating Punong Bayan ay ngayoý vice-mayor na si Erwin Caralian. Nandiyan ang konsyal na si GJ Ylagan na tulad ni Kuya Webster ay mahilig sa basketbol at alam ang kahalagahan ng teamwork at tunay na paglilingkod sa bayan.
Wala rin akong masabi sa pangulo ng mga kapitan ng mga barangay na si Nante Castillo na dahil sa kanyang aktibong pamamahala ay minamahal ng kanyang mga kabarangay na nasa ibat’t-ibang lugar kaya naman hindi lang isang beses nabibiyayaan ang mga taga-Mabini.
Nakatutuwa rin ang Manok na Pula sa Barangay Rizal ni Kapitana Elsie Martinez na nagbibigay saya sa aking mga kababayan. Natitiyak kong maraming punong barangay ang ginagawa ang lahat upang pawiin ang takot, agam agam at siyempre pa ang pagkulo ng mga sikmura ng kanilang mga nasasakupan.
Hindi rin naman nahuhuli si Congresswoman Helen Tan na patuloy ang suporta sa aking bayan, lalo’t ang kanyang esposo ay pusong Gumaqueno. Noon pa man ay hindi pinababayaan ng
Kongresistang doktora ang Gumaca,
Banggitin ko na rin ang mga konsehal na si Malou Mendoza, Juancho Mercurio, at iba pang kasapi ng konseho na hindi nagdadalawang-isip na pumirma sa mga ordinansang makakatulong sa opensa ng Team Gumaca kontra Covid-19.
Ganito po kasi yan: Kung nirerespeto at may kredibilidad ang mga namumuno sa isang bayan ay asahang hindi magdadalawang-isip ang mga may kakayahang tumulong. Tanungin ninyo si Bogs Adad at iba pang mga pamilya na maluwag sa damdamin ang pagbibigay ng mga donasyon para sa mga nangangailangan.
Paalala lang sa ating mga lider: Sana ay huwag kayong maging mga pintor na mahilig lang mag-drowing o ang tinatawag namin sa isports na OPM (O Promise Me). Sila ang tipong madaling kausapin ngunit mahirap hanapin, ngunit pagdating ng kampanya ay kahit kuweba ay pinapasok upang makuha ang inyong mga boto. Alam niyo kung sino ang mga tinutukoy ko ngunit sabi nga ng isang sikat na kolumnista ‘’My Lips are Sealed… Sometimes.’’
Nakatitiyak akong walang pinipili ang kasalukuyang administrasyon sa pagbibigay ng ayuda at sa mga ganitong pagkakataon ay kumakalma ang isip at damdamin ng aking mga kababayan kung ngatngatan na ang basketbolan.
Tandaan niyo ito, matagal pa ang pakikibaka at kung matapos na ang peste ay may malalaking hamon pa tayong haharapin upang bumalik sa normal ang pamumuhay. Natitiyak kong may mga sorpesang inihahanda ang ating katunggali ngunit huwag mangamba at nagtakot.
Sabi nga sa James 1:2-4 na tungkol sa trials at temptations: Consider it pure joy, my brothers and sisters, whenever you face trials of many kinds, because you know that the testing of your faith produces perseverance. Let perseverance finish its work so that you may be mature and complete, not lacking anything.
Magdasal at huwag pasaway upang muling makapamasyal!