APAT na miyembro ng isang pamilya ang naaresto kasama ang walong iba pa sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa Quezon City.
Nahuli sa buybust operation sina Elvie Flores, 51, anak nitong sina Angelito, 19, at Nathalie, 25, at biyenan ng huli na si Raquel Bona, 49, mga taga-Brigade st., Brgy. Tatalon.
Nakabili umano ng shabu ang poseur buyer sa mga suspek alas-7:05 ng umaga kahapon. Nang maaresto ay narekober umano sa kanila ang 14 sachet ng shabu.
Naaresto naman ng Novaliches Police sina Filbert Aguilar, 32, at Weldi Monti, 36, alas-7:30 kagabi sa Masaya Interior, Brgy. Gulod, Novaliches. Nasamsam umano sa kanila ang 34,000 halaga ng shabu, kalibre .38 revolver at sumpak.
Fairview Police naman ang humuli kina Roberto Miranda, 24, John Paul Salidaya, 27, Joshua Dela Cruz, 21, at Jaymart Marcial, 26, alas-10:30 kagabi sa Chestnut st., Brgy. Greater Fairview. Nakuha umano sa kanila ang pitong sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P47,600.
Nahuli naman ng La Loma Police si James Ryan Trinidad, 32, ng Brgy. Balingasa, alas-9:20 kagabi sa A Bonifacio Ave., Brgy. Balingasa. Nahulihan umano ang suspek ng isang sachet ng marijuana sa checkpoint.
Nasakote naman ng Batasan Police sa buy-bust operation si Jayson Nitura, 22, alas-12:50 ng hapon sa Del Pilar st., Brgy. Bagong Silangan. Nagkakahalaga ng P6,800 ang shabu nasamsam umano rito.