NANGANGAMBA ang ilang humihingi ng tulong sa Philippine Charity Sweepstakes Office na magkahawahan ng sakit dahil wala umanong ipinatutupad na social distancing ang ahensya.
Dumagsa ang tao sa main office ng PCSO sa Mandaluyong City nang muling buksan ng ahensya ang pagproseso ng mga tulong sa mga mahihirap na pasyente.
Magkakadikit umano ang mga nakapila at marami sa kanila ay nakasuot ng face mask na hindi angkop para hindi makapasok ang coronavirus disease 2019.
Makabubuti umano kung magkakaroon ng holding area ang mga humihingi ng tulong.
Nagsimula ang pagproseso ng tulong ng PCSO noong Abril 15 para sa medical confinement at requests para sa chemotherapy, dialysis, hemophilia at post transplant medicines.
Sa Metro Manila ang requests ay pinoproseso mula Lunes hanggang Biyernes ala-9 ng umaga hanggang alas 2 ng hapon sa PCSO Conservatory Building sa Shaw Blvd, Mandaluyong City.