TINIYAK ngayon ni Inter-Agency Task Force (IATF) spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles na sapat ang suplay bigas, manok at baboy sa bansa sa harap ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa Luzon.
“Sinisiguro ng Department of Agriculture na sapat ang ating bigas at essential food items tulad ng manok at baboy. At present the DA is undertaking efforts to ensure a sufficient supply of rice by the end of June,” sinabi ni Nograles.
Idinagdag ni Nograles na tiniyak ng DA na may 18 milyong metriko toneladang bigas na sapat hanggang 84 na araw, 1.95 milyong metriko toneladang manok na sapat hanggang 62 araw at 1.12 milyong metriko toneladang baboy.
“Sa madaling salita: may pagkain po tayo at di po tayo mauubusan ng suplay sa ating mga merkado,” dagdag ni Nograles.
Idinagdag ni Nograles na base sa ulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nakapamahagi na ng 445,580 family food packs (FFPs) sa mga lokal na pamahalaan at nakapag-imbak na ng 384,426 FFPs sa mga warehouse ng DSWD sa buong bansa.
“The government continue to prioritize efforts to provide our people with the financial assistance needed to ensure that everyone can secure the basic necessities during the ECQ. Ayon sa DSWD, nakabigay na po sila ng emergency subsidies sa 4,597,854 low-income and 4Ps families, katumbas ng 25.54% ng 18 million target beneficiary-families,” ayon pa kay Nograles.
Sinabi pa ni Nograles na umabot naman sa 52,043 magsasaka ang nabigyan ng tulong sa ilalim ng Financial Subsidy for Rice Farmers at 438,207 naman ang nakinabang sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance.