PINAKAKASUHAN na ng Department of the Interior and Local Government si dating Anakpawis Rep. Ariel Casilao at anim pang kasapi ng milianteng grupo para sa paglabag sa enhanced community quarantine.
Bukod kay Casilao, ipaghaharap ng kaso ngayong araw ang mga miyembro ng Anakpawis na sina Karl Mae San Juan, 29; Marlon Lester Gueta, 26; Robero Medel, 52; Eriberto Peña Jr., 60; Raymar Guaves, 21; at Tobi Estrada, 22, ayon kay DILG spokesperson Usec. Jonathan Malaya.
Ang anim na miyembro ng grupo’y sasampahan ng kasong paglabag sa Bayanihan to Heal As One Act at sari-saring artikulo ng Revised Penal Code kaugnay ng ECQ, habang si Casilao ay ipaghaharap ng usurpation of authority, aniya.
Una dito, naharang ng pulisya ang anim na miyembro ng Anakpawis habang sakay ng jeepney, sa checkpoint sa Brgy. Bigte, Norzagaray Bulacan, alas-11 ng umaga Linggo.
Ayon kay Bulaan provincial police director Col. Lawrence Cajipe, hinarang ang mga militante dahil bumiyahe sila mula Quezon City patungong Norzagaray nang walang karampatang quarantine pass.
Idinahilan ng mga militante na magsasagawa ng relief operations ang kanilang grupo at kinakitaan pa ng 50 relief packs, pero nakuhaan din ng mga propaganda materials laban sa gobyerno, ani Cajipe.
Napag-alaman pa na dalawa sa mga nadakip ay estudyante ng Polytechnic University of the Philippines na nahikayat ng Anakpawis para sumama sa “relief operation,” aniya.
Ayon kay Malaya, umabot ang mga militante sa Norzagaray sa pamamagitan ng paglalagay ng “food pass” sa kanilang jeepney, at pagbanggit sa pangalan ni Casilao sa ibang nadaanang checkpoint.
“Nag name-drop pa sila ng ex-partylist congressman pero buti na lang nasabat sila sa isang checkpoint… Wala po tayong special treatment kahit may congressman kayo,” aniya.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni National Police spokesman Brig. Gen. Bernard Banac na nadawit si Casilao dahil nagpakilala ito bilang congressman nang subukang makipag-negosasyon para sa pagpapalaya sa anim na miyembro ng Anakpawis.
“Casilao will face charges… for misrepresenting himself as a partylist representative of Anakpawis, an elective post he previously held during the 17th Congress that ended in June 2019. Casilao is not a member of the 18th Congress as he claimed himself to be when he tried to intercede on behalf of the arrested Anakpawis members,” ani Banac.