VIRAL ngayon ang isang video kung saan ang isang babae ay sumugod sa Barangay Centro West, Santiago City sa Cagayan.
Matapang na sumugod si Jona Jane Liwag kung saan nagdemand ito na makita ang listahan ng mabibigyang ng ayuda sa kanilang barangay.
Bagamat magulo ang video, mapipiraso sa pagitan ng pag-uusap at paninigaw ng kumuha na ang inirereklamo nya ay ang pagkakabura diumano ng pangalan ng tatay niya na isang person with disability, sa listahan ng makakatanggap ng ayuda.
“Tanong lang po ako, okay na ba yung mga nagreklamo? Yung tatay ko po ba?” sigaw nya.
Paulit-ulit din siyang nagdedemand kung ilan ba talaga ang mabibigyan sa listahan.
Sa pangalawang video naman ay may mga dumating na pulis na inalok naman siyang sasamahan siya sa Department of Social Welfare and Development para doon magreklamo pero tumangi ito.
“Oh ito, pulis ako. Ngayon ganito pag-uusapan yung problema hindi dito. Kung saan pwede, kung sa DSWD yan dadalhin kita sa DSWD ngayon din at hindi ka dito manggugulo.” ani ng isang pulis na nakunan sa video.
Sagot naman ni Liwag na hindi na niya hinahabol pa ang para sa tatay nya.
“Ako po hindi ko na inaafteran ang para sa tatay ko, ang inafteran ko ay ang pagbabago dito sa Centro West. Wala kayo dapat pinipili pili!” sigaw niya.
Inirereklamo din niya na may mga hindi taga Brgy. Centro West na nabigyan umano ng ayuda.
Sinubukan naman siyang hanapan ng quarantine pass pero wala siyang mapakita at sinabing ‘pinayagan’ daw siyang lumabas dahil meron daw siyang irereklamo.