MATAGAL na palang magkakilala sina Ivana Alawi at DJ Loonyo bago pa man sila makilala bilang social media influencer at sikat na vlogger.
Sina Ivana at DJ Loonyo ngayon ang mainit na pinag-uusapan ng mga netizen dahil na rin sa mga nakakalokang paandar at pakilig videos nila sa YouTube.
Marami ang nagsasabi na bagay na bagay silang maging magdyowa at pareho rin naman silang single ngayon.
At mukhang itinadhana nga ang muli nilang pagtatagpo sa pamamagitan ng video call at YouTube vlog dahil may “past” na pala sila na maaaring maipagpatuloy ngayong panahon ng enhanced community quarantine.
Ibinuking mismo ni Ivana sa kanyang vlog na nakilala na niya noon si DJ Loonyo o Rhemuel Lunio sa tunay na buhay, sa isang dance class na pinasukan niya.
Ibinahagi ni Ivana na ang real name naman ay Mariam Al-Alawi, ang screenshot ng palitan nila ng mensahe ni DJ Loonyo noong Sept. 15, 2015.
“Hi, Mariam! How’s everything goin on? I’m Rhemz from Rockstars,” tanong ni DJ Loonyo sa Kapamilya sexy actress.
Tugon sa kanya ni Ivana, “Hi, Kuya Rhems! Okay naman kumusta?”
“All great naman. Rehearsing for our gig tomorrow. ‘Bout you? Pahinga lang?” sagot sa kanya ng viral choreographer.
Hindi pa nakaka-reply sa kanya ang dalaga ay sinundan na ito agad ni DJ Loonyo ng kilig hirit, “Keep smiling Mariam! Gumaganda ka lalo ‘pag ganyan.”
“Thank you po! Kakatapos lang ng rehearsal,” tugon ni Ivana kay DJ na naka-base ngayon sa China bilang CEO ng isang dance studio.
Nitong nagdaang weekend, ibinahagi naman ni DJ Loonyo ang screenshot ng conversation nila ni Ivana mula sa kanilang video call session. Ibig sabihin nito, talagang regular na ang kanilang pag-uusap ngayon at mukhang may chance nga na mas maging close pa sila kahit naka-lockdown.
Ang tanong, umuwi kaya sa Pilipinas si DJ Loonyo para kay Ivana? Ipagpalit kaya niya ang kanyang career sa China para sa tinagurian ngayong bagong Pantasya ng Bayan? Let’s wait and see.