Walang donor’s tax sa COVID-19 crisis
MARAMING nagtatanong kung ang donation na binigay o ibibigay sa mga government agencies o private institutions gaya ng pera, health equipment/supplies, relief goods, lupa, etc. na konektado sa paglaban ng COVID-19 crisis ay mapapatawan ng donor’s tax?
Ang mga donations bang ito ay maibabawas sa taxable income ng mga donors?
May kapangyarihan ba ang Pangulo, Department of Finance o Bureau of Internal Revenue sa ilalim ng Bayanihan Law na magbigay ng tax exemption sa mga donations na konektado para labanan ang COVID-19 crisis?
Ito ang mga katanungan na ating sasagutin at tatalakayin ngayon.
1. Ano ba ang donor’s tax at sino ba ang nagbabayad nito?
Ang donor’s tax ay isang buwis na ipinapataw sa mga donations o regalo sa pagitan ng dalawang indibidwal
Ang nagdonate (donor) ay siyang may obligasyon na magbayad ng donor’s tax at hindi ang tumanggap ng donation (donee).
2. Subject ba ng donor’s tax ang donation na konektado para labanan ang COVID-19 crisis na binigay o ibibigay ng individual o corporation sa iba’t ibang government agencies o private institution?
Bago pa man ang COVID-19 crisis na ito, ang ating National Internal Revenue Code o ang Batas sa Buwis, ay nagtakda ng batayan kung ang donation ay mapapatawan ng donor’s tax.
Ayon sa Section 99 ng batas, ang lahat ng donation ay walang donor’s tax kung ang kalahatang donation sa isang taon ay hindi lalagpas sa P250,000.
Kung ang donation ay lalagpas naman ng P250,000, sa ilalim ng Section 101 ng batas, ito ay hindi pa rin mapapatawan ng donor’s tax kung ito ay ibinigay o ibibigay sa National Government o kaya sa mga “accredited” non-government organization.
Kaya lahat ng mga donations na konektado para labanan ang COVID-19 crisis ay donor’s tax exempt kung ito ay ibibigay sa National Government o sa “accredited” non-government organization.
3. Papaano kung ang donation ay ibinigay o ibibigay sa isang private institution gaya ng private hospital o kaya sa iba’t ibang private entities?
Dapat ito ay subject sa donor’s tax dahil ito ay hindi kasama sa mga tax exemption na nakalahad sa Section 101 ng Internal Revenue Code, at sa aking pananaw walang ibinigay na kapangyarihan ang Kongreso sa ilalim ng Bayanihan Law sa Pangulo, Department of Finance o Bureau of Internal Revenue na magbigay ng tax exemption sa donation laban sa COVID-19 crisis. Ating tandaan, ang pagbibigay ng tax exemption ay dapat malinaw at nakalahad sa batas.
Pero huwag mabahala ang mga donors dahil noong Abril 6, 2020 nag-isyu ang BIR ng Revenue Regulation No. 09-2020 (RR 09-2020). Dito sa Revenue Regulation, itinakda at inilahad na lahat ng donations gaya ng pera, health equipment/supplies, relief goods (delata, bigas, etc.) o paggamit ng lupa sa panahon ng pagpapairal ng State of National Emergency at para puksain ang COVID-19 crisis ay kinukunsidera na tax exemption pa rin sa donor’s tax. Sa madaling salita, walang donor’s tax.
4. Maaari bang gamitin ng mga donors ang mga donation nila sa ibat ibang government agencies o private institutions as deduction sa taxable income?
Limitado lamang ang pagbibigay ng privilege na gamitin ang donation sa pagbabawas ng babayaring buwis. Subalit, ayon sa RR 09-2020, lahat ng mga donations na ibinigay o ibibigay ng mga donors – individual o corporation gaya ng pera, health equipment/supplies, relief goods (delata, bigas, etc.) para gamitin sa pagpuksa ng COVID-19 at habang umiiral ang State of National Emergency ay pwedeng ibawas sa taxable income ng mga donors.
Baka tayo ay malito, ang donations ay ibabawas sa taxable income at hindi sa tax due.
Tara na, mag donate na tayo para tumulong sa pagsugpo at labanan ang COVID-19 crisis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.