PINAGBAWAL ng mga awtoridad ang panghuhuli at pagkain ng laman-dagat sa mga baybaying dagat ng Cavite habang isang munisipyo ang nagdeklara ng “state of calamity,” dahil sa pagtagas ng langis.
Bawal munang humuli at kumain ng lamang-dagat sa Rosario, Tanza, at Naic, ayon kay Vicente Tomazar, direktor ng Office of Civil Defense-Calabarzon.
“Automatic ‘yan pag apektado ay talagang nagkakaroon na ng precautionary warning na ‘yung mga tinamaan ng oil spill ay talagang dapat ‘wag munang [manghuli at kumain] ng seafood… binibigyan ‘yung mga tao ng warning sa pagkain ng seafoods,” sabi ni Tomazar nang kapanayamin sa telepono.
Ayon sa opisyal, sa bayan ng Rosario pa lamang ay siyam na “coastal barangays” at aabot sa 300 mangingisda na ang naapektuhan ng pagtagas ng langis kaya nagdeklara na ang lokal na pamahalaan ng “state of calamity.”
“Marami kasing naapektuhan sa Rosario, ‘yung mga fisherman nila at ‘yung mga taong natakbo sa ospital dahil sa amoy pero nakauwi na rin,” ani Tomazar.
Sa kabila nito ay tumutulong na ang mga residente sa lokal na pamahalaan ng Rosario sa “manu-manong” paglili-nis ng baybayin gamit ang mga piraso ng foam.
“Wala kasi silang pangsipsip na gamit, kaya manu-mano lang ang ginagawa nila ngayon,” ani Tomazar. Sa bayan naman ng Tanza ay may 13 barangay ang naapektuhan habang sa Naic ay siyam na barangay ang tinamaan ng “minimal oil spill.”
Hanggang kahapon ay nasa bahagi ng Cavite pa lang ang tumagas na langis, ngunit pinangangambahan na kakalat ito hanggang Maynila.
Kahapon ng umaga, umabot sa 20 kilometro ang haba ng oil spill mula Rosario hanggang Ternate ayon kay Cmdr. Armand Balilo, tagapagsalita ng Coast Guard.
May lawak na 15 kilometro ang tagas at ang kumalat na langis ay kapareho ng nakuha sa M/T Makisig, ang barkong nagbuga ng diesel sa patungo isang depot ng Petron sa Rosario, ayon kay Balilo.
Samantala, sinabi ng Petron Corp. na iniimbestigahan na nito ang oil spill . “Petron observed traces of oily sheen near the vessel (M/T Makisig) of its third-party contractor which just finished discharging diesel at its Rosario Terminal in Cavite,” ayon sa Petron sa isang kalatas.