ECQ alisin sa mga lugar na walang COVID-19 case

DAPAT umanong alisin na sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine sa Mayo ang mga lugar na walang naitalang kaso ng coronavirus disease 2019.

Maaari naman umanong magpatupad ng full lockdown sa mga barangay na may mataas na kaso ng COVID-19, ayon kay House committee on transportation chairman Edgar Mary Sarmiento.

Sa Luzon matatagpuan ang 95 porsyento ng mga kaso ng COVID-19, tatlong porsyento sa Mindanao at dalawang porsyento sa Visayas.

Para ma-‘liberate’ ang isang lugar, iminungkahi ni Sarmiento na dapat ay makakuha ito ng sertipikasyon muna sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) at Department of Health (DoH).

Kailangan din umano na ipagpatuloy ang guidelines ng DoH sa physical distancing at temperature check.

Dapat ay 50 porsyento lamang umano ng work force ang pisikal na papasukin sa trabaho pero bago papasukin ay kailangang sumailalim sa COVID-19 rapid test.

Kung magpapatuloy umano na walang maitatalang kaso ang isang lugar ay unti-unting itaas ang bilang ng mga empleyado na maaaring pumasok sa mga tanggapan ng gobyerno at pribadong establisyemento.

Kailangan umanong manatiling sarado ang mga border pero ang tao sa loob ay payagan ng makakilos ng malaya.

Read more...