MATAPOS ang ilang araw na pananahimik, sinagot ni San Juan Mayor Francis Zamora ang mga banat ni dating Sen. Jinggoy Estrada na hinaharang umano ng alkalde ang rolling store na inisyatibo ng anak nitong si Janella.
Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Zamora na iligal ang rolling store ni Janella dahil negosyo ito at hindi kawanggawa.
Hirit ni Zamora, dapat humingi muna ng permit sa lokal na pamahalaan ang mag-amang Estrada.
“Why don’t they just follow the law? Are they above the law?” giit ng alkalde.
Matatandaang, nag-live sa Facebook kamakailan si Estrada at inakusahang namomolitika si Zamora sa pagpigil nito sa rolling store ni Janella na nagbebenta ng mga pangunahing pangangailangan sa kalahati ng presyo sa palengke.
“Gag..Huwag mo kong subukan, bagong salta ka lang dito,” ani Jinggoy sa nasabing video. “Andito nga kami tumutulong, dapat magpasalamat ka pa nga e.”
Pero sinabi ni Zamora sa panayam sa radyo na nakikipagkumpitensya ang rolling store ng nga Estrada sa mga lehitimong vendor sa Agora Market.
“How can they compete sa presyuhan na ibinagsak ng kabila?” dagdag ni Zamora.