OFW nagtatanong ng ayuda minura; tauhan ng DOLE sinuspinde

SINUSPINDE ni Labor Sec. Silvestre Bello III ang isang labor official sa Dubai na hindi umano maganda ang naging pagtrato sa isang Overseas Filipino Worker doon.

Si Danilo Flores, Welfare Officer sa Philippine Overseas Labor Office sa Dubai, ay isinailalim sa “administrative suspension for alleged misconduct” habang isinasagawa ang isang masusing imbestigasyon.

Ang suspensyon ay nag-ugat sa isang video na nag-viral sa social media. Sinabi ni Joy Parafina sa video na siya ay minura ni Flores.

Pumunta umano si Parafina sa sangay ng embahada sa West Zone para kunin ang kanyang OWWA food aid package na nagkakahalaga ng 200 Dirham noong Abril 16.

Ang laman umano ng ibinibigay na relief sa kanya ay dalawang 5 kilong bigas at isang maliit na kahon. Nagtanong umano siya kung nagkakahalaga ito ng 200 Dirham at ang sagot sa kanya ay walang resibo.

Hindi umano siya pumayag na pirmahan na natanggap na niya ang tulong. Sa kanyang pag-usisa ay nagalit umano si Flores.

“Anak daw po ako ng pu….. ako na nga daw po ang tinutulungan ayaw ko pang tanggapin,” ani Parafina kung ano ang sinabi sa kanya ni Flores.

Iginiit naman ni Bello na patuloy ang pagtulong DOLE sa mga OFW nangangailangan.

Read more...