Mayaman, mahirap bibigyan ng tulong pinansyal sa Taguig

Taguig City Mayor Lino Cayetano

NAGLAAN ng P1 bilyon ang Taguig City government para mabigyan ng tulong pinansyal ang mga residente nito na hindi mabibigyan sa ilalim ng social amelioration program.

Ayon kay Mayor Lino Cayetano nagpasa ng P2 bilyong supplemental budget ang city council at P1 bilyon dito ang gagamitin sa Taguig amelioration program.

“Gusto ho natin lahat ng Taguigueño ay makinabang dahil marami ho ang nangangailangan ngayong panahon ng krisis,” ani Cayetano.

Makatatanggap ng P4,000 ang matatanggap ng pamilya na hindi kasali sa SAP at 4Ps.

Sa ilalim ng SAP ay 92,000 pamilya ang mabibigyan ng P8,000 bukod pa sa 10 000 pamilya na kasama sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Tinatayang 270,000 pamilya mayroon sa Taguig City.

Sinabi ni Cayetano na sa panahon ng krisis hindi lamang mahihirap ang nangangailangan kaya lahat ay tutulungan.

“Regardless ho ng inyong antas ng buhay, makatatanggap ho ng konting tulong,” ani Cayetano.

Ang P1 bilyon naman ay gagamitin sa aspetong medikal, at relief goods.

Read more...