Si Bantay at ang Bandera

Ang Mascot ng Bandera, si Bantay

Ang Mascot ng Bandera, si Bantay

Katatapos lang naming mag-meeting ng mga editors upang pag-usapan kung paano namin gagamitin ang bagong teknolohiya ng “blogging” para palawakin ang aming komunidad. Tawagin nating “Barangay Bandera” ang ating komunidad.

Nalaman namin na marami pala ang mahilig sumubaybay sa mga maiinit na usapin tungkol sa pulitika, showbiz, sports at kung may malaking balita na masarap pag-usapan.

Natutuwa rin kami at may nakapansin kay Bantay, ang aming mascot, isang asong naglalarawan ng karakter at personalidad ng Bandera.

Ang Bandera ay nag-umpisa may 19 na taon na ang nakalipas. Ang mga Gokongweis ang unang naging may-ari ng Bandera (kasama ng Tumbok), hanggang sa ito’y nabili ng mga Prieto nuong 2001. Ang mga Prieto ang siyang may-ari ng pinakamalaki at No.1 na newspaper sa Pilipinas ngayon, ang Philippine Daily Inquirer. Ang Bandera ay bahagi ng pinagsanib na puwersa ng iba’t-ibang pahayagan, magasin, online at printing press ng Inquirer Group of Companies (IGC). Ang Bandera ay pinamamahalaan ng Inquirer Publications, Inc. (IPI), na kapatid ng Philippine Daily Inquirer, Inc. (PDI).

Sa ilalim ng pamunuan ng IPI, nagbago ang mukha at imahe ng Bandera. Ang mga dating hubad na larawan ng mga kababaihan sa front page ay unti-unting nilinis, ang mga istorya tungkol sa malalagim na krimen ay pinalitan ng disente at kapaki-pakinabang na balita at iba pang impormasyon na makakapagbigay ng higit na kaalaman, pag-asa at makakatulong sa mamamayan.

Kung mahalaga ang mensahe, alam namin na mahalaga rin ang timpla, istilo at paraan ng pagbibigay ng mensahe. May seryosong balita pero naglagay rin kami ng mga bagay na nakakatuwang basahin. Nariyan ang tsismis sa showbiz, advice columns, balitang kataka-taka, trivia, nobela, galaw ng numero, lotto tips, public service at iba’t-ibang bagay na nakakaaliw basahin. Mayroon din kaming mga kolum na kung saan maaring magbigay ng opinyon o reaksiyon ang mga mambabasa tungkol sa paborito nilang artista o tungkol sa maiinit na isyu. Mayroon din kaming mga promos na maari ninyong salihan sa pamamagitan ng text o email. Halimbawa, mayroon kaming promo ngayon na ang tawag namin ay “taga-Bandera” na kung saan ay inaanyayahan namin ang mga loyal readers ng Bandera na sumali at mag-text kung ano paborito nilang basahin sa Bandera. Mayroon kaming inilaan na cellphones bilang premyo ng mapipiling “taga-Bandera.” Makulay ang mga pahina ng Bandera, maaliwalas ang layout at malinis ang pagkakaimprenta.

Kung ang Bandera ay ihahalintulad sa isang tao, masasabi kong ang Bandera ay makikita sa isang nanay na masipag, matiisin at mahilig magsakripisyo, sa isang tatay na nagsusumikap sa trabaho para maitaguyod ang pamilya, sa isang tatay o nanay na nagtatrabaho ngayon sa ibang bansa para sa kapakanan ng pamilya at gustong mapagtapos ang mga anak, sa isang estudyante na pinagbubuti ang pag-aaral upang masuklian ang paghihirap ng kanyang nanay at tatay. Kung minsan ay gumigimik, pero mas madalas nag-aaral ng mabuti. Bawat Pilipinong nangangarap umunlad sa buhay, ‘yan ang tinig ng Bandera.

Sino naman si Bantay? Si Bantay ay alaga ni Bandera. Ang aso ay mahilig kumahol at itinuturing nating bantay sa ating bahay. Ganyan din si Bantay. Siya ay Bantay ng barangay Bandera. Kapag may nakita siyang pangyayaring hindi maganda, kumakahol siya. Kapag may nakita siyang kaakit-akit, lumulundag siya. Kapag may nakita siyang pinagkukumpulan ng mga tao, nakiki-usyoso rin siya kasi tsismoso rin si Bantay. Kung minsan, nakakaisip ng numerong itataya sa lotto ang amo niya dahil sa dami ng kahol niya. Mahilig din siya sa mga balitang kataka-taka. Ngayon nga ay nag-aaral na rin siyang mag-Facebook, mag-Multiply at mag-blog. Si Bantay ay unang-unang nakikialam sa mga balita. Gusto niya ay palagi siyang kasali sa usapan. Kung wala si Bantay, boring ang barangay Bandera.

Sa mga susunod na blogs ay higit pa ninyong makikilala si Bantay. May naisip nga kaming ideya para mas higit na maging masaya ang blogs namin.

Sana ay patuloy ninyong subaybayan ang Bandera at kung may naisip kayong ideya para kay Bantay, sabihin ninyo agad sa amin.

Ang inyong lingkod,

Imee C. Alcantara

Vice President for Operations

Inquirer Publications, Inc.

Read more...