MULA nang ipatupad ang enhanced community quarantine sa bansa, kanya-kanyang paraan ng pagpapalipas-oras ang ginagawa ngayon ng mga Team Bahay.
Para sa “Bilangin ang Bituin sa Langit” stars na sina Mylene Dizon at Kyline Alcantara, pagtatanim sa kanilang bakuran ang trip na trip nilang gawin ngayon habang naka-lockdown pa rin ang Luzon.
Mula pa noong Marso 17 ay sa Silang, Cavite na naka-base si Mylene na likas daw na mahilig magtanim ng mga gulay at prutas.
Magandang panahon na bigyang-pansin ang hobby na ito ng Kapuso actress lalo pa’t hinihikayat din ng kinauukulan na magtanim ang mga tao sa kanilang bakuran upang hindi lang sa palengke umaasa ng food supply.
“Inumpisahan ko ‘to nu’ng lockdown kasi dati nu’ng nagte-taping ako lagi hindi ko na masyadong nabibigyan ng pansin.
“Pero ngayon, araw-araw na at least naaasikaso ko ‘yung garden ko. Importante kasi ang food security lalo na sa mga panahong ito,” ani Mylene.
Sa Bicol naman nagpapalipas ng quarantine si Kyline na nahihilig din sa pagba-backyard farming.
“Katulad nga po ngayon, lockdown, hindi po natin kailangan maging dependent sa palengke at makatutulong pa po tayo sa ating mga frontliners dahil mas male-lessen pa po ang ating paglabas-labas,” lahad ng aktres.
Habang tigil muna sa taping, pansamantala munang napapanood ang “Alyas Robin Hood” ni Dingdong Dantes sa GMA Afternoon Prime kapalit ng “Bilangin ang Bituin sa Langit”.