TODO-tanggi ang opisyal ng ospital sa Nueva Ecija na itinaboy nila ang matandang pasyente, na namatay sa kanyang bahay noong Abril 10.
Giit ni Danilo Yang, board chairman
ng Premiere Medical Center, na base sa security camera footage ay hindi nadala sa emergency room si Ladislao Corrales Cabling, 65.
Isa ang Premiere sa anim na ospital na tumanggi umanong gamutin si Cabling, na namatay dalawang oras matapos magpalipat-lipat ng ospital.
Itinakbo siya sa Premiere gabi ng Abril 9 dahil nahirapang huminga.
Ani Yang, hindi tumatanggi ng pasyente ang ospital.
Sinabi niya na makikita sa footage ang isang babae na lumapit sa receptionist. Tinanong umano ng babae kung may bakante sa intensive care unit at nang sabihan na wala ay agad itong umalis.
“Sa ER nila dapat ibaba dun pagkatapos hayaan nila ‘yung mga doktor ang mag-asikaso,” paliwanag ni Yang. “I will never allow that. I will never allow that na magtanggi ng pasyente dahil unang-una ay may proteksiyon din kami sa pangalan namin. Hindi lang naman yung ospital, yung Premiere ang nakasalalay diyan kundi ang Yang family.”
Hindi rin siya naniniwala na tinanggihan ng ibang ospital ang pasyente. “Basta may dinala ka sa ER obligado naming bigyan ng atensiyon. Nasa batas iyan, maliwanag sa batas iyan,” dagdag niya.
Matatandaang iniimbestigahan ng
National Bureau of Investigation ang ospital matapos ireklamo ng pamilya ni Cabling.