Spraying pwede sa gamit–Duque

NILINAW ni Health Sec. Francisco Duque III na maaari pa ring gamitin ang spraying sa pag-disinfect ng mga bagay.

Ayon kay Duque ang ipinagbabawal lamang ay ang pag-spray nito sa tao.

“Pero yung pagi-spray sa inanimate objects, sa mga lamesa, kung saan-saan, hindi naman ito delikado sa mga tao,” ani Duque sa online hearing ng Kamara de Representantes kahapon. “Yun namang spraying tsaka misting, pwede lang yun sa tao [kapag] naka-complete personal protective equipment katulad ng mga nakikita natin sa mga ospital. Pero kapag walang PPEs, hindi pwedeng i-sprayan.”

Paliwanag ni Duque inirekomenda ng Department of Health ang pagbabawal sa misting o tent na may nagi-spray na disinfectant sa loob dahil maaaring kumalat ang COVID-19 dito.

“Pwedeng yung tao ay may dalang mikrobyo o may dalang COVID virus ay biglang naubo o nahatsing (sa loob ng tent) dahil nga may misting, pwedeng umikot-ikot yung virus (sa loob) at yung susunod na tao ay pwedeng malanghap niya at magkakasakit din siya,” ani Duque.

Makabubuti rin umano kung pupunasan ng disinfectant ang mga bagay upang mamatay ang COVID-19 at iba pang mikrobyo na naririto.

Read more...