BIBIGYAN na rin ng accreditation ang coronavirus disease testing center ng Marikina City kailangan lang ay pumasa ang kanilang mga personnel sa proficiency test, ayon sa Inter-Agency Task Force.
Ani IATF Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, nag-usap na raw ang task force sa kung ano pa ang kailangan ng Marikina para mabigyan ng accreditation.
“Binilang namin, ilan pa ba ang kailangang requirements nila and how many days does it take or these requirements to be complied with and fulfilled?” sinabi nya sa online press briefing.
Inaasahan na pagdating ng Lunes ay maaari nang mabigyan ng accreditation ang Marikina sa kundisyong papasa sa proficiency test ang mga personnel ng testing center.
“Pagbilang namin, abot naman ng Monday, granting and under the condition na yung personnel ng Marikina laboratory papasa doon sa proficiency test.” aniya.
Bago ito, nauna nang sinabi ni Department of Health Secretary Francisco Duque III na maaaring ma-accredit ang testing center ng Marikina sa darating na Miyerkules, April 22.
Sa ngayon may 16 testing centers para sa COVID-19 sa bansa.