Meralco bill pwedeng hulugan

Meralco

MAAARI umanong bayaran ng hulugan sa Manila Electric Company ang kuryenteng nakonsumo sa panahon ng Enhanced Community Quarantine sa Luzon.

Ayon kay Joe Zaldarriaga, spokesman ng Meralco, maaaring hatiin sa apat na buwan ang pagbabayad sa bill na ito.

“For example, dalawang buwan yung hindi nabayaran, kunyari due date mo March 15 hindi mo nabayaran ng P2,000, yung April 15 na due mo meron ka rin hindi nabayaran na P2,000, ibig sabihin nun nag-accumulate na ng P4,000…. Hindi ito bibiglan. Kumbaga may apat na buwan ka para yun eh ma-kompleto,” ani Zaldariaga sa panayam sa radyo.

Sinabi ni Zaldariaga na wala itong interes.

Walang nagbabahay-bahay ngayon para magbasa ng metro ng kuryente at ang ginagamit ng Meralco ay ang average na bill sa nakaraang tatlong buwan. Kapag maaari na muling lumabas ang mga meter reader ay makukuha na ang tamang nakonsumong kuryente.

Sinabi ni Zaldarriaga na matagal ng mayroong subsidy program ang Meralco para sa mga kumokonsumo ng wala pang 100 kiloWatt hour kada buwan. Ang subsidy ay naglalaro sa 20 hanggang 100 porsyento.

Ayon kay Zaldariaga tinitiyak ng Meralco ang maayos ang suplay ng kuryente.

Read more...