HABANG patuloy ang isinasagawang relief operations para sa mga bayaning frontliners, naisingit pa ni Angel Locsin ang pagtupad sa isa pa niyang responsibilidad.
Matapos ang matagumpay nilang tent-building campaign na #UniTENTweStandPH para sa mga ospital na nag-aalaga ng mga COVID patients kasama ang fiance niyang si Neil Arce, ang pagdo-donate naman ng dugo ang kanilang inatupag.
Bilang humanitarian partner ng Philippine Red Cross, sabay na nag-donate ng dugo ang future husband and wife sa isang non-profit organization.
Ayon sa Kapamilya actress, agad silang nagbigay ng dugo ni Neil matapos malaman na maraming kababayan natin ang hindi na naka-participate sa mga blood donation projects dahil sa lockdown dulot ng COVID-19 pandemic.
“With COVID-19, many of the donors postponed their scheduled blood donations. But the need for blood never rests and the supply is rapidly dropping,” ani Angel.
Kasabay nito, nanawagan ang aktres sa 7.2 million followers niya sa Instagram na mag-donate ng dugo kung may pagkakataon lalo na ngayong paubos na ang blood supply ng PRC.
“The Philippine Red Cross are in need of more blood donors. You may contact PRC at (+632) 8790-2300 or thru hotline 143. Donate blood. Save lives,” mensahe pa ni Angel.
Ilang celebrities ang muling bumilib kay Angel dahil sa patuloy na pagtulong nito sa nagaganap na health crisis sa bansa.
Comment ng kaibigan niyang si Angelica Panganiban, “Wala kang pagod no? Nakaka-inspire.”
Sey naman ni Neri Naig, “Nakakaproud kayo.”