INAMIN kagabi ni Pangulong Duterte na gustong-gusto na niyang umuwi sa Davao City ngunit hindi makapunta doon dahil sa travel ban na ipinag-utos ng anak na si Mayor Sara Duterte.
“Hindi na nga ako makauwi sa Davao birthday ng apo ko, birthday ng partner ko, birthday ng anak ko, hindi ako makauwi. Bakit? Hindi ako pinapayagan ng mayor doon na makapunta. Walang eroplano na may pasahero maka-landing sa Davao City. Ipinagbabawal ng mayor doon,” sabi ni Duterte sa kanyang public address.
Idinagdag ni Duterte na malaking debate rin kung sang-ayon ang ginawa ni Sara sa mismong kautusan niya bilang pangulo sa karapatan ng mga tao na bumiyahe.
“At saka ayaw kong makipag — you know, quarrel with anybody especially the mayor of Davao City na anak ko eh lum — hindi naman magpatalo ‘yan. Magsisigawan lang kami mag — magmukhang g*** kami sa publiko,” ayon pa kay Duterte.
Sinabi pa ni Duterte na dapat ay sumunod na lamang ang lahat sa lockdown sa Luzon sa harap naman ng mga paglabag sa umiiral na enhanced community quarantine.
“So sundin na lang natin…So kung pilitin mo baka puntahan ka doon at — you know the mayor. She’s… Baka doon mismo bulyawan kaming lahat. Eh ‘di wala tayong magawa diyan kasi ‘yon ang patakaran niya to protect the people of Davao City,” dagdag pa ng Pangulo.