Bangko nagbabala, mag-ingat sa ‘account verification’ scam

NAGBABALA ang Banco de Oro sa mga nananamantala sa itinalagang enhanced community quarantine dulot ng pandemic na coronavirus disease o COVID-19.

Ginagamit umanong cover ng mga kawatan ang quarantine para himukin ang mga taong mag-beripika ng kanilang mga personal na impormasyon ng kanilang online bank account sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang pekeng link na magdadala sa ‘yo sa isang website na kamukhang-kamukha ng website ng bangko.

Dito ay susubukan nilang ipalagay sa iyo ang iba’t ibang detalye gaya ng account number, credit card information, username at password o ‘di kaya ang iyong pin number.

Magagawa na ng mga kawatan na buksan ngayon ang inyong online bank account para nakawin ang inyong pera.

“Muling ipinaalala ng BDO Unibank na hindi nito kailanman hihingin sa mga kliyente na beripikahin ang kanilang bank account. Ang mga lehitimong tauhan ng bangko ay hindi kokontak sa kanila sa pamamagitan ng text, tawag, email, at lalo na sa social media para alamin ang kanilang personal na impormasyon para sa balidasyon ng account.” ani ng BDO

Kasama ng babalang ito ang paglunsad ng #BDOAntiScam kung saan tinutulungan nila ang kanilang mga kliyente na malaman ang iba’t ibang modus na ginagawa ng mga kriminal para makapanloko ng tao, pagbibigay ng mga paalala kung ano ang hindi ginagawa o hinihingi ng isang lehitimong taga-bangko at mga tips para ma-ispatan ang mga pekeng websites.

Hinihikayat naman ang mga kliyenteng na-scam o mga naghihinalang sila ay na-scam na kontakin ang BDO sa pamamagitan kanilang email sa customercare@bdo.com.ph o magpadala ng mesahe sa official Facebook page ng BDO Customer Care.

Read more...