MALALIM ang hugot ng komedyanang si Kiray Celis tungkol sa mga taong nasaktan dahil iniwan ng taong kanilang minahal.
Isang mahabang mensahe ang ipinost ni Kiray sa kanyang Instagram account na pinamagatang “Tula para sa mga taong nasasaktan dahil iniwan at hindi nila matanggap sa sarili nila na SILA MISMO ang dahilan.”
Ayon sa dalaga, ito ay naglalaman ng mensahe para sa lahat ng nanloko at nakarma dahil sa mga ginawa nilang kasalanan sa kanilang karelasyon.
Narito ang kabuuan ng IG post ni Kiray: “Tula para sa mga taong nasasaktan dahil iniwan at hindi nila matanggap sa sarili nila na SILA MISMO ang dahilan.”
“Dahil hindi naman lahat ng hiniwalayan, niloko at sinaktan. Minsan sila yung dahilan. Kaya gumagawa sila ng kwento sa ibang tao para sa kanilang kahihiyan.
“Hindi ka makapaniwala na wala na? Hindi mo lubos maisip na bumitaw na siya? Ang sakit ba? Baka karma mo na. Kasi hindi mo matanggap sa sarili mo na nagloko ka. O sinasakal mo siya?
“Dahil minsan, kung siya pa yung maraming ipinagbabawal, yun pa yung kusang gumagawa ng bawal. Takot sa sariling multo? Takot maloko? Kasi gawain mo? Ano nga ba ang totoo? Ang hirap bang aminin sa taong mahal mo, o sa sarili mo mismo?
“Pero bakit kung sino yung nang iwan mukhang sila lagi yung may kasalanan? Porket ba siya yung bumitaw? At hindi na niya kayang makasama ka araw araw? Lahat tayo may dahilan. Lahat tayong pwedeng masaktan. Babae, lalaki, tomboy o bakla ka man, pwede mo yung maramdaman.
“Sa mga taong niloloko pero hindi kayang lumayo, wag kayong manghinayang sa tagal ng pagsasama niyo. Oo mahirap magsimula ulit sa panibagong tao. Pero mas mahirap magstay sa maling tao habang patuloy ka niyang niloloko.
“Para sa mga taong ginawang mukhang masama, hayaan niyo lang sila magsalita. Alam niyo kung anong totoo kwento. Kaya deserve niyong mahalin ng totoo. Kaya ituloy niyo lang ang pagiging positibo.
“At para sa mga taong iniwan dahil sila yung dahilan, ang una mong gawin, tanggapin mo yung sarili mo. At wag mong isisi sa iba yung mali mo.
“Oo walang taong perpekto. Pero hindi ibig sabihin nun pwede kana magloko. Matuto ka sa iyong pagkakamali. Para dumating yung taong para sayo at hindi ka na iwan ulit.”