NAKIKIPAG-UGNAYAN ang Kamara de Representantes sa Malacañang para sa mga pagbabago na kailangang gawin sa panukalang 2021 national budget.
Inutusan ni Speaker Alan Peter Cayetano sina Deputy Speaker for Finance Luis Raymund Villafuerte at House committee on Appropriations chairman Rep. Eric Yap na makipagpulong kay Budget Secretary Wendel Avisado kaugnay sa budget ng susunod na taon.
Bago ang outbreak ng coronavirus disease 2019, sinabi ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) na aabot sa P4.6 trilyon ang budget para sa 2021, mas mataas ng P500 bilyon sa kasalukuyang budget.
Sinabi ni House committee on ways and means chairman at Albay Rep. Joey Salceda na maaaring bawasan ang panukalang 2021 budget dahil sa inaasahang pagbaba ng inaasahang kikitain ng gobyerno dahil sa epekto ng COVID-19.
Sa halip na 10-11 porsyentong pagtataas gaya ng nais ng DBCC, sinabi ni Salceda na maaaring itaas na lamang ito ng 5-6 porsyento.
“Minus inflation of 2.5 percent, we can still grow by up to 3 percent,” ani Salceda.
Ayon kay Salceda ngayong taon pa lamang ay inaasahan na ang pagbaba ng kita ng gobyerno dahil sa Enhanced Community Quarantine.
Sinabi naman ni Villafuerte na maaaring kailanganin na baguhin ang paggastos ng pondo sa susunod na taon.
“For Congress, definitely the investments would continue to be on infrastructure and health. We will have to prioritize health because of the situation,” ani Villafuerte.
Kung kakailanganin sinabi ni Villafuerte na dapat mangutang ang gobyerno.
Nauna ng sinabi ni Cayetano na maganda na makipag-usap ng maaga ang Kongreso sa DBM para maging mabilis ang pagpasa ng budget.
l”That is what we want to do and that is what Budget Secretary Avisado wants to do – even before the President submits the budget to Congress, there is consultation with the proper committees of both the House and the Senate, instead of them preparing it and the House revising it and the Senate doing its own revision,” ani Cayetano.