UMAPELA si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na sagutin ang lahat ng gastos ng mga pasyente na nahawa ng coronavirus disease 2019.
Ayon kay Rodriguez may mga pasyente na lagpas sa itinakdang halaga ng PhilHealth ang hospital bill.
Itinakda ng PhilHealth ang babayaran nito sa mild pneumonia sa P43,997, P143,267 para sa moderate pneumonia, P333,519 sa severe pneumonia, at P786,384 sa critical pneumonia na dulot ng COVID-19.
Sinabi ni Rodriguez na may mga moderate cases na umaabot sa P1.1 milyon ang bill sa 18 araw na confinement-treatment nito sa isang ospital sa Metro Manila.
“I am appealing to the President and the IATF to reverse the decision of PhilHealth to limit the treatment cost it will shoulder. It is the poor who will suffer from that decision, and I am sure the President will not allow that,” ani Rodriguez.
Ang lagpas sa babayaran ng PhilHealth ay kailangang bayaran ng pasyente o pamilya nito.
“The government, through Philhealth, has to help them by shouldering the full cost of treatment,” saad ng solon.
Noong una ay inanunsyo ng PhilHealth na sagot nito ang lahat ng gastos ng pasyente na may COVID-19.
Pero makalipas ang limang araw ay naglabas ang PhilHealth ng limit sa babayaran nito.