PINAGPAPALIWANAG ng Department of the Interior and Local Government ang tatlong gobernador at dalawang mayor para sa umano’y paglabag sa mga panuntunan ng enhanced community quarantine (ECQ).
Tumanggi muna si Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na pangalanan ang mga opisyal, pero sinabi ang mga kasong maaaring isampa sa mga ito.
Binigyan ang local chief executives ng 48 oras para magsumite ng paliwanag kung bakit sila di dapat sampahan ng kasong administratibo para sa negligence, dereliction of duty, at paglabag sa Bayanihan Act, aniya.
Bukod sa kasong administratibo ay maaari ding sampahan ng kasong kriminal ng National Bureau of Investigation ang mga opisyal, ani Año.
Ayon kay DILG spokesperson Usec. Jonathan Malaya, kabilang sa mga nakikitang nilabag ng mga gobernador at mayor ang pagbabawal sa mass gatherings, mahigpit na pagpapatupad ng social distancing, at pagbabawal sa pagharang sa mga ibinibiyaheng kargamento,
Mayroon din sa mga ito na tumangging magpapasok ng overseas Filipino workers na inisyuhan na ng health certification ng Department of Health, pumigil sa operasyon ng mga industriyang may kinalaman sa pagkain, at di nagpapasok ng health workers, aniya.
Ilalabas ang pangalan ng tatlong gobernador at dalawang mayor oras na masampahan sila ng kaso, ani Malaya.
Samantala, inatasan ng DILG ang local government units at National Police na ipasara ang “non-essential” business establishments habang umiiral ang ECQ sa Luzon.
“Make sure that business establishments that are not allowed to operate under IATF guidelines remain closed. The ECQ is still in full force and effect. There is no partial lifting whatsoever,” ani Año.
Ayon sa kalihim, nakatanggap ang DILG ng mga ulat na may mga non-essential business establishments na nagbukas sa ilang lokalidad.
Pinaalala ng kalihim na ang mga exempted lang sa pagsasara ay yaong may mga establisimyentong may kinalaman sa pagkain, gamot, tubig, banking at remittance centers, enerhiya, telekomunikasyon, at mga kaparehong tanggapan.
“If there is resistance or disobedience to authorities, the PNP has the authority to make arrests. Nasa gitna tayo ng state of public health emergency at kalamidad. Ang mga pasaway ay maaaring arestuhin,” aniya pa.