
Secretary Galvez
AABOT sa 900,000 PCR testing kits at dalawang milyong rapid testing kits ang nakatakdang bilhin ng gobyerno matapos naman itong aprubahan ni Pangulong Duterte, ayon kay COVID-19 czar Secretary Carlito Galvez.
“Ang malawakang testing at contact tracing ay napakahalagang milestone sa ating kampanya laban sa COVID-19. Ito ay naglalayong maihiwalay nating lubos ang mga suspected COVID-19 cases sa ating komunidad, mapigilan natin ang pagkalat nito, at nang ating magamot ng maaga ang mga COVID-19 patients,” sabi ni Galvez sa isang virtual briefing.
Idinagdag ni Galvez na kasama rin sa nakatakdang angkatin ng gobyerno ang mga PCR machines, automated extraction machines, mga freezers, at mga iba pang kinakailangan ng Research Institute of Tropical Medicine (RITM).
“Pag nagawa na po natin ang malawakang testing, makikita na natin ang common and true picture sa lahat ng mga affected areas,” dagdag ni Galvez.
Ani Galvez target ng gobyerno ang 5,000 hanggang 8,000 mass testing kada araw.
“RITM is doing its best para mapabilis po ang accreditation ng 15 pang nasa stage 5 na ng paghahanda,” ayon pa kay Galvez.