Siniguro ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez na patuloy na matatanggap ng mga pambansang atleta at coaches ang kanilang mga allowance kahit pa naka-enhanced community quarantine ang bansa.
Ito ang sinabi ni Ramirez na nangako ring hindi niya pababayaan ang mga atletang kasalukuyang nagsasanay sa labas ng bansa.
Sinabi rin ng hepe ng PSC na patuloy ding makatatanggap ng suweldo ang mga empleyado ng PSC kahit pa na-extend ang naturang “lockdown” hanggang sa katapusan ng Abril.
“The salaries of PSC employees will continue as well as the allowances of athletes and coaches,’’ sabi ni Ramirez sa panayam ng Inquirer.
Walang patid din ang suportang ibinibigay ng PSC sa mga atletang Pinoy na may tsansang manalo ng medalya sa 2020 Tokyo Olympics na gaganapin sa 2021 tulad nina Pole vaulter EJ Obiena na nagsasanay ngayon sa Formia, Italy, weightlifter Hidilyn Diaz na nasa Malaysia, gymnast Carlos Yulo na nasa Japan at ang mga world-class judoka na sina Kiyomi Watanabe at ang kambal na sina Shugen Nakano and Keisei Nakano.
Samantala, binuksan na nitong Lunes ang Ninoy Aquino Stadium bilang quarantine facility para sa mga pasyente ng COVID-19. Bukod sa Ninoy Aquino Stadium ay inalok din ng PSC ang Rizal Memorial Coliseum at Philiports Arena bilang mga quarantine sites ng Department of Health.