NAGPALABAS ng Show Cause Order ang Department of Interior and Local Government laban sa dalawang kapitan at dalawang kagawad ng barangay na lumabag umano sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine.
Binigyan ng 72 oras para magpaliwanag sina Leny Leticia Glivano, kapitan ng Brgy. Libis sa Quezon City at Kapitan Brix John Reyes ng Brgy. 129 sa Caloocan City kasama sina Brgy. Councilor Romualdo Reyes at John Cris Domingo.
Si Gilvano ay pinagpapaliwag kaugnay ng parada na isinagawa sa kanyang nasasakupan noong Abril 9.
“Ang parada sa Barangay Libis ay nagdulot ng paglabas ng maraming tao at pagkumpulan sa kalye. Nabalewala nito ang strict physical distancing na puwedeng magdala ng panganib ng virus sa maraming tao,” ani DILG Sec. Eduardo Año.
Ang tatlong opisyal na taga-Caloocan City ay sangkot naman umano sa tupada sa Manila North Cemetery noong Abril 11.
“Inaasahan natin na ang mga barangay officials ang katuwang ng national government sa pagpapatupad ng ECQ pero mayroong iba na sila pa ang pasimuno ng sabong sa kanilang lugar. Mananagot sila sa batas,” dagdag pa ni Año.
Sinabi ni DILG Undersecretary at spokesperson Jonathan Malaya na nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa National Bureau of Investigation para sa posibleng pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga nabanggit.
“The team of Undersecretary Martin Diño is now compiling all of these reports and we will be issuing more show cause orders in the coming days,” ani Malaya.