US binatikos ni Duterte sa recruitment ng Pinoy nurse ngayong pandemic

Pangulong Duterte

BINATIKOS ni Pangulong Duterte ang Amerika sa pang-eengganyo ng mga Pinoy nurse na magserbisyo sa kanila ngayong panahon ng pandemic.

“Alam mo bakit ko sinabi ‘yan? Alam mo I’d like to address my — may pinapatamaan ako ang Pilipino mismo pati ‘yung mga countries that traditionally have been lukewarm or refusing to understand or causing problems for other nations — America,” sabi ni Duterte sa kanyang public address Lunes ng gabi.

Idinagdag ni Duterte na dahil sa tindi ng epekto ng coronavirus disease (COVID-19) sa Estados Unidos,  kung saan maraming namamatay nag-aalok ito ng agarang pagpoproseso ng US visa para sa nais magtrabaho bilang nurse.

 

“Ngayon ganito ang problema namin, America is part of the problem of the Filipinos now. Kasi sa karaming tinamaan sa kanila, marami ng patay maski sino na lang nananawagan sila basta ‘yung nurse, mga nurse sige punta kayo sa embassy, i-process nila ang visa one day, kinabukasan lipad ka na,” ayon pa kay Duterte.

 

Sinabi pa ni Duterte na nanindigan naman ang Inter-Agency Task Force (IATF) na hindi dapat payagang paalisin ang mga nurse dahil sa kahintulad na kinakaharap ng bansa kung saan tumataas ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 matapos umabot na sa 4,932 kaso at 315 na mga nasawi.

“So ngayon nangangailangan kayo ng nurse, express. Kami naman dito nakakabahan kasi wala kaming pangbigay kasing laki so ang mga nurse natin — eh naintindihan ko ‘yan eh self-preservation ‘yan. So kailangan magtrabaho sila. May trabaho ngayon sa Amerika, eh ‘di nagpupuntahan sila,” dagdag ni Duterte.

Iginiit ni Duterte na gamitin dapat ng Amerika ang sarili nitong human resources.

 

“Ibig sabihin dapat kayo umasa sana sa sariling mga tao ninyo. Eh ngayon kinukuha, kinakaltasan mo ang Pilipinas pagdating ng panahon magkulang, sorry na lang tayo,” ayon pa kay Duterte.

 

 Sinabi pa ni Duterte na hindi naman niya masisisi ang mga nurse sa bansa kung makumbinsi na magtrabaho sa Amerika.

“But kung gusto ninyong kayong mga nurse na Pilipino gusto ninyong magsilbi sa ibang bayan, sa ibang tao, okay lang sa akin. Ito lang tandaan mo pagdating ng panahon kung maghirap kami — hindi natin alam ngayon eh pa-increase nang increase, first wave pa ito,” ayon pa kay Duterte.

Kinontra rin niya ang pananaw ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin na hindi dapat pigilan ang mga Pinoy nurse na umalis dahil may obligasyon sila kanilang kontrata at ang may karapatan sila na magbiyahe.

 

“Ako, I’d like to take the opposite view that itong ganito sa ordinaryong — ordinary times, talagang hindi kayo mapigilan at walang makasabi sa inyo umalis kayo o huwag kayong umalis, tanggap kayo, magpirma ka ng kontrata. Pero alam mo during an emergency ‘yung sa ibang bansa — gaya ng China, ‘pag sinabi ng China para, para. ‘Pag sinabi ng China bukas, bukas,” dagdag ni Duterte.

 

 

 

Read more...