DUMARAMI ang mga survivor ng coronavirus disease 2019 na nakikipag-ugnayan sa Philippine General Hospital sa pagnanais na mag-donate ng dugo upang makatulong sa mga pasyente na labanan ang virus.
Ayon sa tagapagsalita ng PGH na si Dr. Jonas del Rosario apat na COVID-19 survivors ang nakapag-donate na ng dugo.
Ang plasma ng dugo ng mga ito ay kukunin at isasalin sa taong nakikipaglaban ngayon sa COVID-19. Ang mga gumaling sa sakit ay nakalikha ng antibodies laban sa COVID-19.
Ngayong araw ay tatlo pang gumaling na pasyente ang nakatakdang magpakuha ng dugo.
Bukod sa mga ito ay mayroon pang 18 COVID-19 survivors na potential donor ng dugo.
Umabot na sa 65 ang sumaialim sa screening para makapag-donate ng dugo at 25 sa kanila ang nakapasa na sa panuntunan ng PGH.