Adamson ipinahiram ang dorm, bus sa medical frontliners

PATULOY ang pagtulong ng Adamson University sa mga medical frontliners na lumalaban kontra coronavirus (COVID-19) sa Metro Manila.

Ipinahiram ng paaralan ang dalawa nitong bus para sa pagbiyahe ng medical staff ng Makati Medical Center nitong Huwebes.

Isa sa mga ruta na dinadaanan nito ay ang Paliparan-Molino Road habang ang isa ay sa LRT Monumento Station.

“We are deploying two buses daily to transport the staff of Makati Medical Center because there’s transport right now. To help them get to work and home safe, we gave them our buses,” sabi ni Fr. Aldrin Suan, CM., na isa mga representante ng Adamson sa Board of Managing Directors.

Binuksan din ng Adamson ang women’s volleyball team dormitory para magsilbing tirahan ng mga health workers mula sa Philippine General Hospital.

Ang dorm ay nagsisilbing tirahan ng 30 staff mula sa PGH at habang ang mga frontliners ay patuloy ang pakikibaka kontra sa virus ang Falcons at Lady Falcons ay tuloy din ang pagbibigay ng tulong sa mga health workers.

“We are giving them accommodation and also food, every week a new group comes in because their duties are a week-long, then they take a break for a week, so a new group comes in after that,” sabi pa ni Suan.

Ang mga student-athletes ng Adamson na patuloy na naninirahan sa kani-kanilang mga dorm ay siya namang namamahagi ng mga groceries at packed meals sa iba’t ibang barangay sa Maynila.

Mayroong mga 62 student-athletes mula sa softball, women’s basketball, pep squad, football at baseball teams ang naninirahan sa loob ng campus at sila ang nanguna sa pag-abot ng tulong sa mga taga-Maynila.

“They’re not stopping because within Manila, there are around 160 families whom we are helping,” dagdag pa ni Suan, na ang paaralan ay mayroon ding maliit na komunidad sa Valenzuela at Parañaque.

Read more...