Sahod ng Taguig brgy health workers dinoble

DINOBLE ng pamahalaang lungsod ng Taguig ang buwanang sahod ng mga barangay health workers na naghahatid ng serbisyong medikal sa komunidad sa kabila ng enhanced community quarantine bunsod ng COVID-19 pandemic.

Simula Abril 1 ay na-promote na bilang job order personnel ang mga volunteer, ani Taguig Human Resource Management Office head Jeanette Clemente.

Sa bagong payment scheme, ang mga BHWs na dating nakatatanggap ng P3,000 ay makatatanggap na ngayon ng P7,900. Sa mga nakatatanggap ng P4,000, makapag-uuwi na ngayon ng P8,500. Ang mga dating nag-uuwi naman ng P5,000 ay makatatanggap na ng P9,700.

Ang pagkakaiba-iba ng buwanang sahod ay alinsunod sa kanilang length of service.

“Ang pamunuan ng lungsod ng Taguig ay nakita kung paano nagtatrabaho ang mga BHWs bilang frontliners sa pag laban sa COVID-19 at kung gaano sila kadelikado bilang taga pag-implement ng ating healthcare programs noon pa man,” ani Clemente. “Ito ang dahilan kung kaya tinaasan ang kanilang buwanang sahod. Ang increase na ito ay magpapatuloy pa rin kahit wala na ang enhanced community quarantine.”

Bukod sa pagtaas ng sahod, ang mga BHWs ay magkakaroon ng P15,000 kada taon bilang incentive ayon sa kanilang performance.

Ang lungsod ng Taguig ang may pinakamaraming bilang ng BHWs sa buong Metro Manila. Mula sa 600 noong 2010, ang lungsod ay mayroong 854 BHWs na nakatalaga sa iba’t-ibang barangay sa siyudad.

“Ang salary increase na ito ay isa lamang sa mga paraan upang mapasalamatan nating ang ating mga frontliners, na mula Day 1 ay walang pagod na nagseserbisyo upang masiguro na natutugunan ang mga pangangailangan ng bawat Taguigeño,” ani Mayor Lino Cayetano.

Read more...