Angelica, JM nag-reunion; ‘That Thing Called Tadhana’ may part 2, pero…

PATOK sa madlang pipol ang “reunion” nina JM de Guzman at Angelica Panganiban bilang sina Anthony at Mace na nakilala nang bonggang-bongga sa hit indie movie na “That Thing Called Tadhana.”

Muli nilang pinakilig ang kanilang fans sa pamamagitan ng live script reading ng isa sa mga hindi malilimutang eksena ng “That Thing Called Tadhana.”

Hosted by Juan Miguel Severo, napanood ito via Facebook Live kahapon kasama rin ang direktor at scriptwriter ng pelikula na si Antoinette Jadaone.

 Ito’y bahagi pa rin ng “Lockdown Cinema Nights”, isang fundraising project para sa mga film workers na nawalan ng trabaho dahil sa lockdown dulot ng coronavirus disease pandemic.

Muling binalikan nina JM at Angelica ang iconic scene nina Mace at Anthony habang nasa loob ng bus patungong Baguio City kung saan mas nakilala pa nila ang isa’t isa. 

“Yung napili kong part ng script ay yung nasa loob sila ng bus. Yung isang eksena doon, deleted. Hindi siya nasama sa pelikula. Yun yung mahabang litanya ni Anthony,” pahayag ni Direk Antoinette.

Samantala, pagkatapos ng script reading, sinagot nina Direk Tonette, JM at Angelica ang tanong ng ilang  netizens. Isa na nga rito ang question kung game ba sila ba silang sumama sa isang road trip with a total stranger tulad ng mga character nila sa movie.

“Siguro kaya. Mahirap naman talaga mag-portray ng role kung hindi ka naniniwala doon sa ginagawa ng character, ‘di ba?

“Hindi mo na alam kapag ikaw yung nandoon sa ganu’ng sitwasyon na sobrang heartbroken ka, gusto mo lang, ‘di ba may kausap ka. 

“Talagang kahit sino puwede mong pagkuwentuhan ng nararamdaman mo. Talagang posibleng mangyari yun,” tugon ni Angelica.

Chika naman ni JM, “Posible kasi yung sa istorya ‘di ba yung first scene, sila lang din yung dalawang Pinoy doon sa airport? Parang (itinadhana) ng circumstance tapos heartbroken siya tapos nag-connect.” 

Posible pa kayang magkaroon ng part 2 ang “That Thing Called Tadhana”?

“May nagawa na akong first few sequences pero hindi ko pa siya naitutuloy. So siguro, like kung paano namin ginawa yung una, huwag siyang pilitin,” ani Direk Tonette.

Tungkol naman sa magiging kuwento ng sequel nito, “Hindi ko alam. Feeling ko malalaman ko yun sa time na sinusulat ko na siya. Kasi nagbabago naman ang kuwento base sa kung nasaan ka or kung ano ang paligid mo sa time na sinusulat mo.”

Pero ang sigurado, mismong sina Angelica at JM ang nagsabi na game na game pa rin silang gampanan sina Mace at Anthony sa part 2 ng kanilang love story. 

Read more...