PiNURI ngayong gabi ni COVID-19 czar Secretary Carlito Galvez, Jr. ang Maynila, Valenzuela City, Marikina City, Pasig City, Baguio City, Davao City, Caraga region at Bicol region sa implementasyon ng enhanced community quarantine (ECQ) sa kani-kanilang nasasakupan.
“Nagsisilbing ehemplo ay ang mga LGUs ng Manila, Valenzuela, Marikina, Pasig, Baguio, Davao, Caraga at Bicol region na kung saan ay mahigpit, ngunit maayos nilang naipapatupad ang ECQ,” sabi ni Galvez sa isang virtual briefing.
Idinagdag ni Galvez na dapat tularan ang mga nabanggiit na LGUs ng ibang lokal na pamahalaan sa kanilang isinasagawang programa para malabanan ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19).
“Kaya naman, hinihikayat namin ang iba pang mga LGUs na ang mga nabanggit ay tularan. Pag-aaralan nang maigi ng IATF ang rates and trends ng COVID-19 sa kasalukuyan sa buong bansa,” ayon pa kay Galvez.
Idinagdag ni Galvez na malaki ang naitulong ng lockdown para mapigilan anf pagkalat ng COVID-19.
“Pinatotohanan ito mismo ng World Health Organization (WHO) Western Pacific Regional Director Dr. Takeshi Kasai,” ayon pa kay Galvez.
“Sinabi ni Dr. Kasai na hindi nagkamali ang pamahalaan sa pagpapatupad ng ECQ. Kanyang idiniin na kinakailangang ma-suppress natin ang paglaganap ng sakit. Kaya po napakahalaga ang suporta ng taong bayan dito sa ECQ. Kaya po inuulit po natin, please stay at home,” ayon pa kay Galvez.
Sinabi pa ni Galvez na dapat ang LGUs ang manguna para “mai-flatten nila ang curve sa kanilang lugar at bayan”.
“Datos at threshold na po ang magiging basehan upang maiwasan natin ang ‘second wave’ or pagtaas naman ng new cases. Let us not waste our efforts and gains that we achieved during the past three weeks under ECQ,” ayon pa kay Galvez.
Sinabi ni Galvez na maaari lamang maipatupad ang ‘selective quarantine’ kung magiging maayos ang pagsunod sa ECQ.
“Magagawa natin ito kapag nagkaroon na ng massive testing ng suspected cases, tumaas ang recovery rate ng mga pasyente, bumaba ang number of deaths at new cases, at tumaas ang capacity ng ating mga local health units sa level na kayang-kaya na po nating mag-react ng normal,” paliwanag pa ni Galvez.