Volleyball community nagkaisang tumulong sa laban kontra Covid-19 pandemic

JIA Morado

HINDI lang ang mga kilala at sikat na basketball celebrities ang nagbibigay ng tulong ngayong may coronavirus (COVID-19) pandemic sa bansa kundi pati na rin ang mga volleyball stars.

Mula kay Jia Morado hanggang kay Kung Fu Reyes, ang volleyball community sa bansa ay gumawa rin ng paraan para makatulong sa mga frontliners na lumalaban kontra COVID-19 pandemic.

Sa kasalukuyan ay nakalikom na ang Volleyball Community Gives Back ng kabuuang P274,747.23 na umabot sa kanilang layunin na makabili ng 750 personal protection equipment na ido-donate nila sa mga frontliners.

Si Morado ang isa sa mga nangunang personalidad na nagsagawa ng donation drive para makatulong na makabili ng medical equipment para sa Philippine General Hospital at Jose Reyes Medical Memorial Center.

Katuwang ang kanyang mga kaibigan sa volleyball, inilunsad ni Morado ang Every Little Thing Counts Facebook page na nagsagawa ng pagsubasta ng mga volleyball jerseys.

Nitong Biyernes ay umabot na ang nalikom ni Morado sa kabuuang P784,717.46 mula sa mga nagbigay at sa subasta na nilahukan ng mga fans na binili ang jersey ng kanilang mga paboritong player.

Kabilang din sa tumulong sina Alyssa Valdez, Michele Gumabao, Aby Maraño, Ara Galang, Ish Polvorosa, Kianna Dy, Denden Lazaro, Eya Laure at Imee Hernandez.

Read more...