NAKAISIP ng paraan si Angeline Quinto para matulungan ang mga kaibigang stand-up comedian na direktang naapektuhan ng lockdown sa bansa dahil sa COVID-19.
Nakarating sa Kapamilya singer-actress na hirap na hirap na rin ngayon sa buhay ang ilang komedyante na nagtatrabaho sa mga comedy bar dahil nga nawalan din sila ng trabaho simula nang ipatupad ang enhanced community quarantine.
Kaya naman agad na naisipan ng dalaga na magsagawa ng fundraising on-line concert para mabigyan ng ayuda ang mga stand up comedian ng Laffline at Punchline kahit paano.
Sa kanyang social media account, in-announce ni Angeline na ngayong 5 p.m.magsisimula ang kanyang pa-videoke jamming sa Facebook.
“BANDAMAYAN: Tuloy parin po ang pagtulong natin sa mga kasamahan natin sa industriya na nangangailangan ng pagdamay ngayong lockdown.
“Samahan nyo po ako sa BanDamayan para sa isang videoke jamming sa Facebook Live, (AngelineQuintoOfficial) ngayong Sunday, April 12, 5pm.
“Tara po magkantahan at makatulong sa mga kapwa ko musikero na simula po nag lockdown ay nawalan narin po ng pagkakakitaan – mga singers at banda na nawalan ng mga trabaho.
“Isama na rin po natin ang tinutulungan ng kaibigan nating si MC Calaquian na empleyado po ng comedy bars na nawalan din ng source of income dahil sa walang nagaganap na mga shows.
“Marami po sa kanila ngayon ang kailangan ng ating tulong pantustos sa kanilang araw araw na pangangailangan,” ang mahabang mensahe ni Angeline sa kanyang Instagram.