HIHIGPITAN pa rin ang galaw ng mga tao kahit i-lift na ang Luzon-wide lockdown sa Abril 30, ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año.
Sa isang panayam, sinabi ni Año na ito’y para maiwasan ang biglang pagtaas ulit ng bilang ng mga mayroong coronavirus disease 2019 (COVID-19), gaya ng sa ilang bansa na nauna nang tinapos ang kani-kanilang lockdown.
“If magli-lift tayo, siyempre mayroon tayong mga measures na i-implement, hindi puwedeng happy-go-lucky na naman tayo katulad ng before the lockdown,” aniya.
Ayon sa kalihim, maaaring isabatas ang pagpapatupad ng social distancing at iba pang preventive measures laban sa COVID-19.
“Siguro magpapapasa tayo ng ordinansa, ng batas, na magpaparusa sa sinumang magba-violate ng social distancing,” aniya.
“Sana kahit na wala nang lockdown maging ugali na ‘yung paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng mask, at social distancing.”
Sinabi rin ni Año na kung sakaling di pa tatapusin ang lockdown sa Abril 30 ay magiging mas malaki ang epekto nito sa ekonomiya.
“Ang sabi ng ating mga economic cluster sa Cabinet… if we are talking about the survival of the nation, survival of our people, kung kinakailangan pa, kaya pa naman ‘yan, although malaking sakripisyo.”
Samantala, inatasan naman ni Lt. Gen. Guillermo Eleazar, commander ng Joint Task Force Coronavirus Shield, ang mga pulis at barangay officials na tiyakin ang pagpapatupad ng social distancing at iba pang preventive measures kontra COVID-19.
Dapat aniyang mahigpit na ipinatutupad ang social distancing, lalo na sa mga palengke.
“There must be limited entry and exit points that would be manned by policemen, soldiers, and force multipliers such as barangay tanods. They are tasked to limit the number of people entering the public market,” ani Eleazar.
Dapat din aniyang may mga pulis, sundalo, o tanod na pumapasok sa mga palengke para laging paalalahanan ang mga mamimili na lumayo sa isa’t isa.
Kailangan ding nagpapatrolya ang mga pulis para paalalahanan ang mga tao na huwag na lang lumbas kung di kinakailangan.
“The real purpose of the Enhanced Community Quarantine which we have been doing for almost one month now would be put to waste if continue to allow people to violate home quarantine rules especially social distancing and for them to stay at their houses,” aniya.